ng Pilipinas
Ang PanagHoy Ni InanG PuNo
(by EdongDugong Magpayo  7/3/2008)

INANG PUNO
Ni: Edong Magpayo

tanaw sa kaparangan ang isang kalungkutan
bunga ng pagmamalabis nang sangkatauhan
sa isang bahagi nitong ating kapaligiran
siya ang kagubatan na may malaking papel
na ginagampanan sa ating lipunan...

sa loob ng ginahasang kagubatan
ay matatagpuan ang isang matamlay na nilalang
malungkot ang mukha at tila nagtatangis
mata ay nagtatanong sa sinapit niyang karimlan
bumubuhos ang luha na tila talon ng dalamhati
siya si inang puno mag-isang naiwan sa mga
lahing pinaslang ng mga taong gahaman sa kalikasan...

mga taong walang pakundangan kung sila'y kamkamin
hindi alintana ganting dulot ni bathala
putol dito putol doon walang hangang pagkamkam
mina dito mina doon walang hanggang katapusan
kaunlarang sinasabi kalikasa'y isinantabi
pang-sariling interes pera sa bulsa'y dumarami...

hanggang kailan gagalaw itong sakim sa kagubatan
maliliit na pamayanan sa kanila'y nadadamay
ganting dulot ng nakaraan lumalatay sa taong-bayan
biktimang walang malay namamatay ng walang laban
dulot nito'y kadiliman sa pamilyang naiwanan...

kaya itong si inang puno sa atin ay nanawagan
magbigkis at magka-isa sa pagpaparami ng lahi niya
punong naiwan sa atin ay nakatanaw humingi ng
katarungan sa sinapit niyang katayuan
kumilos na at gumalaw at ibalik ang kagubatan
buto sa bunga ni inang puno kunin na at paramihin
upang nagbabadyang ganti ay atin pang mapigilan...

sana ay alam natin papel nitong kagubatan
tawag sa kaniya ay baga ng mundong ginagalawan
taga-sipsip ng polusyong binubuga ng lipunan
at dahil nauubos klima ng mundo ay nagpaparamdam
ito'y pabago-bago at nakaaalarma umuulan sa panahon
ng tag-init at nagtutuyot sa panahon ng tag-ulan...

tinagurian din siyang pamaypay ng lipunan
nagbibigay lamig sa nagpapawis nating katawan
alok din ay lilim sa nangangailangan
silungan at kanlungan ng mga taong pagal ang katawan
hangin ay sariwa at kay-ganda sa kalusugan...

at higit sa lahat banga siya ng sangkatauhan
malaki ang papel na ginagampanan ng ugat ni kagabutan
nag-iimbak siya ng tubig na ating pangangailangan
at sa tag-init ito'y kaniyang pinakakawalan
dumadaloy sa mga ilog patungo sa ating mga tahanan
na nagdudugtong ng buhay sa ating mga uhaw na
kalamnan...

kaya itong si inang puno ay atin ng palaguin
isang punla sa tahanan ay itanim na sa bakuran
at lumahok sa programang pagpapanumbalik ng kagubatan
gaya ng sa puerto princesa may pista ng kagubatan
taon-taon ginaganap para kagubata'y mapangalagaan
kung ito'y magpapatuloy inang puno'y masisiyahan
at tiyak kong ganti ng kalikasan ay kaniya ng
pipigilan...


Inang Puno
Ni: Edong Magpayo
Ika 3 ng Hunyo, 2008
Sa aming tanggapan PCC
Ika 12:24 ng tanghali




See more Features
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@acpfi.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC