ng Pilipinas
Iba`t ibang atraksyon, tampok sa 46th City Day; Lokal na pamahalaan, naghandog din ng libreng serbisyo
(by SJC-PIO  8/10/2015)

Nasilayan ng publiko ang iba`t-ibang obra ng mga San Josenian, koleksiyon ng mga antigong kagamitan, at iba pa sa ginanap na exhibit para sa 46th City Day noong Lunes sa Pag-asa Sports Complex.

Tila bumalik sa nakaraan ang mga pumunta rito dahil sa mga idinisplay na lumang gamit gaya ng lampara, baul, araro, plantsang ginagamitan ng uling, kutsara`t tinidor, sinaunang pera at iba pa.

Nakita rin dito ang mga larawan ng mga naging pinuno ng San Jose simula nang ito`y isang payak na baryo pa lamang. Dito napagtanto ng mga nakasaksi sa exhibit na ipinangalan sa mga nagdaang lider ang ilang kalye at lugar sa lungsod.

Tampok din sa exhibit ang mga obra ng tanyag na blood and hair artist na si Elito "Amangpintor" Circa, kung saan idinisplay ang kanyang natatanging Manny Pacquiao painting na ipininta gamit ang kanyang sariling dugo.

Idinisplay rin dito ni Rust Painter Ramon Lopez ang kanyang mga obrang ginamitan ng kalawang, gayundin ang iba pang mga painting ng mga miyembro ng Samahang Makasining ng Lungsod ng San Jose.

Bukod sa mga antigong kagamitan at iba`t ibang obra, ibinahagi rin sa publiko nina Loy Perez at Junix Bo-ales ng Team Lonix ang kanilang koleksiyon ng mga laruang robot.

Ipinarada rin at nakisalamuha ang ilang cosplayers dito na pumatok sa mga kabataan, pati na ang Magic Show ng mga Magikerong Novo Ecijano, maging ang libreng photo-booth.

Nagtayo naman ng booth ang PXI Love You, Women of Abar 2nd Multi-Purpose Cooperative, at Antonia`s Handicraft para magbenta ng kani-kanilang produkto.

Samantala, pinilahan naman ng mga San Josenian ang bawat booth na naghatid ng iba`t-ibang libreng serbisyo mula sa lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob dito ay libreng gupit mula sa Philippine Army, libreng masahe ng H2P3, libreng gamot para sa mga alagang hayop ng City Veterinary Office, libreng buto ng gulay, seedlings at fingerlings ng City Agriculture Office at libreng pagpaparehistro ng kapanganakan naman ang hinatid ng Local Civil Registry.



See more News
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@acpfi.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC