Artist Club
Laro ng Lahi (Indigenous Games)
(by Elito V. Circa  7/29/2003)

Ang sagot sa ilang problemang paglalaho ng kulturang Pilipino ay ang paggunita at aktong paggawa ng mga ito. Ang katutubong laro ay maituturing na palatandaan ng isang lahi, kung kaya't dapat na balikan, pangalagaan sa pamamagitan ng aktong paglalaro, pagpipinta at pagsusulat.

Ang ilang katutubong laro ay halos hindi na alam sa kasalukuyang panahon. Ilan dito ay ang Piko, Tansing, Putupong, Sundutan sa puno, Siring bulding, Lupa't langit, Tumbang preso, Harantagang bilog, Siyatong, Holen Butas at Lusalos. Isinama rin ang ilang kilalang mga laro tulad ng Patintero at Dama upang mas maging masaya at makayang laruin ng ilan na hindi alam ang mga lumang laro.

Ang laro ng bawat lipi ay pagkakakilanlan ng isang pagkatao at pagkabansa. Humuhubog rin ito ng isang masining na kaisipan at masining na damdamin. Paghubog sa pag-uugali at paghahanda sa mga susunod pang mga karanasan ng pagiging propesyonal ay dulot rin ng kabataang paglalaro.

Ang proyekto ay pinamahalaan ng mga masisipag na pamunuan at miyembro ng Samahang Makasining (Artist Club) Inc., sa tulong na rin ng iba't ibang sangay ng samahan. Ang mga namahala sa gayong gawain ay may sapat na kakayahan at kasanayan upang mapagtagumpayan ang layunin ng proyekto at ng samahan base na rin sa tagal na nila itong ginagawa na walang suporta sa ano mang ahensiya ng gobyerno o pribadong grupo.

Mas naging tagumpay pa itong nakaraang proyekto at nabigyang pansin pa ang ilang aspetong gawain sa sining sa dahilang ang gobyerno sa pamamagitan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay naggawad ng pinansyal na suporta upang gamitin sa ilang pangangailangan ng samahan.

Ang mga piling katutubong laro ay higit na narandaman ng mga manlalaro lalo na ng kanila ito nilaro, gayon din ang mga manunuod na maligayang tinutunghayan ang mga pasiklaban. Tila sila ang lumalaro at tila samasagi sa isip nila ang kanilang karanasan ng pagkabata.


  • Patintero o Harang-taga - Ang isang koponan ay binubuo ng 6 na manlalaro (4 ang manlalaro, 2 pamalit) at maaari lamang magpalit ng manlalaro ang isang koponan kapag may naka-home-base (alinman sa naglalarong koponan), Ang bawat kalahok na papasok sa linya ay bibigyan ng 20 minuto sa bawat tatlong (3) beses ng laro. Ang laro ay may apat (4) na linya na may guhit sa gitna mula sa unang linya hanggang sa huli o pang-apat na linya. Bawat linya ay may bukat na 12 metro at 6 na metro bawat layo ng bawat linya. Ang laro ay may 3 mananalo base sa kanilang mataas na puntos. Ang pinagbasihan ng puntos ay sa isang taong may pinaka malayong narating na linya. 2 bilang/linya papasok X4 linya = 8, 3 bilang/linya pabalik X 4 linya = 12, 5 karagdagang bilang kung maka home-base, at sa kabuuan ay 25 puntos.

  • Syatong - Ang bawat koponan ay bubuuin ng 3 miyembro o 3 kasapi bawat Sangay para sa kategoryang pang Samahan at bukas naman sa lahat ang kategoryang pang lahatan. Ito ay maaaring lahukan ng Mataas na Paaralan o level ng Kolehiyo. Ang unang makarating sa bilang na 1,750 (o anumang bilang ayon sa mapagkakasunduan) ang siyang idedeklarang panalo. Ang basihan ng puntos, Pagsalo sa tira ng kabilang koponan = 10, Tira = 1 bilang/sukat ng malaking stick depende sa layo ng maliit na stick, Martilyo, pinipig o ano mang katawagan = ayon sa dami ng tira sa mas maliit na stick.

  • Dama - Isang manlalaro sa bawat Sangay para sa kategoryang pang Samahan at bukas naman sa lahat ang kategoryang pang lahatan. Ang isang manlalaro ay bibigyan ng 30 segundo upang tumira.

  • Lusalos - Isang manlalaro sa bawat Sangay para sa kategoryang pang Samahan at bukas naman sa lahat ang kategoryang pang lahatan. Ang isang manlalaro ay bibigyan ng 30 segundo upang tumira.

  • Holen Butas - Isang manlalaro sa bawat Sangay para sa kategoryang pang Samahan at bukas naman sa lahat ang kategoryang pang lahatan. Ang laro ay may tatlong (3) butas at may 1.4 metro ang layo ng bawat pagitan. Basehan ng puntos: 2 bilang/butas papasok X 3 butas = 8, 3 bilang/butas pabalik X 2 butas = 6, 6 karagdagang bilang kung tatamaan ang holen ng kalaban at laktaw sa isang butas, at 20 para sa kabuuang bilang.




See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC