Artist Club
Habang buhay bang ALIPISIP
(by Minggan  1/23/2004)

Ang pagkaalipin ng Pilipino sa ibang bansa ay nagsimula pa noong sakupin ng Kastila ang bansa. Maraming nagbago, pagkatao, paniniwala at kultura. Dito isinilang ang pandesal na ALIPISIP "Aliping Kaisipan" o Colonial Mentality sa English. Ang dating si Elyat bininyagan na naging si Juan dela Cruz na sumisimbolo daw sa tunay na masang Pilipino. Pati mga aktibista gumagamit ng pangalan ni Juan. Di na dapat ito ungkatin o sindihan pero dapat, paano babagtas sa dako pa ng madilim na buhay kung walang liwanag na hawak.
Matalino si Elyat kaya lang makadiyos, palakaibigan at uto-uto "yun lang". Sinabi lang na mabait, ayun nagpabinyag na at nagpabago pa ng pangalang Juan dela Cruz. Ganon pa man naging bayani siya ng bansa kasi martir.

Ang sama lang akala ng ibang nasyon si Juan dela Cruz na inihihiyaw sa kalye, rali at kung saan-saan ay hindi Pinoy.

Naalala ko yung Pakistan na nakausap ko sa internet, ang sabi, "bakit lagi ninyong pinaglalaban karapatan sa lupa ni Juan. Di ba sa inyo ang lupa sa Pilipinas?" Nagtaka ako, "sa amin! kaya nga namin pinaglalaban". Sabi niya, di ba si Juan Kastila? di ko na nagawang sumagot. "oo nga ano!" sabi ko nalang sa isip ko.

Akala natin makakalanghap na tayo ng samyo ng kaunting kalayaan pagkatapos ng Kastila, Yun pala ipapasa lang tayo sa mga Amerikano, sabagay kaunting panahon lang naman yon, pero matindi binalikan pa tayo pagkatapos ng panahon ng Hapon. Walang panama ang Ninja at Voltez V ng Japan. Ikaw ba naman ang may Superman, Wonder Woman, Batman at Spiderman di ka pa ba mananalo sa giyera. Tayo pa ang nagkautang ng loob, tindi talaga nila no?. Di naman pwedeng ipanglaban natin ang ating mga kapre, Minggan at mga manananggal, mababali lang ang mga ngipin noon sa mga bakal. Bilib din naman ako sa Tsino, simpleng mananakop. Masahol pa sa nuclear ng Amerikano. Biro mo sa dami nila sa buong mundo, magsabay-sabay lang umutot patay lahat ang hindi nila kalahi. Di kaya sila na yung mga Alien?.

Panahon daw ng kalayaan ngayon. Sa wakas nakalasap din ng hanging malaya kahit sa isip lang. Para tayong pandesal na kaytagal-tagal na minamasa, ipinagpasa-pasa at ngayon napakasarap nang nguyain. O di ngayon napapakinabangan na nila. Simple lang naman gumawa ng pandesal na ALIPISIP, ito ang formula. ALIPISIP = (RELIHIYON+EDUKASYON)/MEDIA

Mga Sangkap sa Pandesal na ALIPISIP:
100k pcs Pinoy (piliin yung mga pulpito)
100 yrs Relihiyon (Kristyanismo)
60 gal Banyagang Edukasyon
    -(ituturo: Banyangang Literatura, Scientific name,
     Banyagang Bayani at lugar,
    Banyagang Kultura at Sining)
20 pcs Media (TV, Radio)

Pamamaraan ng Paggawa:

  1. Hugasang mabuti ang pinoy sa banal na tubig ng relihiyon, puspusin ng walang hanggang buhay na paniniwala, at patuyuin sa kaliwanagan ng kaluluwa.
  2. Masahin at dikdikin ng kahoy na rebultong maputi at makinis. "Paalala: Linisin at hugasan ng laway ang rebulto pagkatapos gamitin"
  3. Ulitin ang #1 at #2 tuwing Linggo at kung hindi pa namumutla ang Pinoy maaari pang ulitin ng Sabado.
  4. Lagyan din ng Pasko, Mahal na Araw at Mayo-nes, Maaari ring budburan ng makabagong Prex, Buklod, CK, NK at SK upang lalong sumarap.
  5. Mula Lunes hanggang Biyernes, ibabad sa pulot ng Banyagang Edukasyon; "Paalala sa paggawa ng pulot: Unahin muna ang apple, isunod ang literature, history, Scientific name, ilagay din ang hero, banyagang kultura at isawsaw sa Sining. Gumamit ng mga Pulpito sa paghahalo. Mas maganda kung ibababad sa Snow para tumagal"
  6. Lamasing mabuti ang pinoy sa mga sangkap at isalang sa pugon ng pagka materyalistik at dolar na utang.
  7. Isalin ang wikang pinoy sa pinggang Ingles, gumamit ng media upang lalong mapabilis. Lagyan ng kaunting disenyong Lavander at Endless Love at banyagang mababangong Tele-nobela.

Paraan ng paghahain:
  • Maglagay ng banal na alak sa basong Pulitika
  • Tugtugan ng mga Wrap at Koryanong awit, habang pinapakain ng pinoy ALIPISIP ang mga Aeta, Igorot, Manobo at Ilongot. "baka sakaling tangkilikin at balikan pa, parang Jali at Makdo".
  • Araw-arawin ang pagkanta ng banyagang awitin tulad ng "To Love You More, My Way at iba pa" para masanay sila na mahalin at hanap-hanapin ng lugar na ito.
  • Mahilig ang Pilipino sa masasarap na pagkain, kaya paano siyang makakatanggi sa mga inihahain. Habang buhay bang puro ALIPISIP na lang ang kakainin?
  • Nakikinabang na sila ngayon, dahil sa mga magagaling na mga kusinerong pari, media at politiko.
  • Laban tayo ng laban noon para sa kalayaan, hanggang ngayon ayaw nating pasasakop. Hindi nga nasakop katawan lupa at lupa natin, pero isip, kaluluwa, kultura at sining ay higit pang nasakop.


Kailan kaya yung sila ang pupunta sa bansa natin para maging katulong, ya! OFW pala sa magandang salita at lahat ng gustong pumunta sa bansa natin sisipiin din. Lahat lang ng mga matatalino ang ating tatanggapin na gumawa sa Pilipinas. Tapos magpapaaral tayo ng mga taga-ibang bansa at yung thesis at nasaliksik nila ay maiiwan sa atin. Magbibigay din tayo ng libreng gusali sa mga bansa na may lugar na may kayamanan at habang ginagawa yung gusali, maghuhukay tayo ng gold. Maglalagay din tayo ng tindahan sa lahat ng bansa. Bibili tayo ng kanilang produkto at papalitan natin ang etiketa ng Made in Philippines at ibabalik natin na ibenta sa kanila. Iukilkil natin na gamitin ang wika natin ng lahat ng bansa, para pagpunta ng mga apo natin kahit saang bansa, mauunawaan nila nasa libro. Kahit siguro mga Ita at Ilongot na kabababa sa bundok kayang magsariling-aral. Pati batas natin sa Baybayin (alibata) Pilipino nalang isulat para hindi mapanghimasukan ng banyaga.



See more Editorial
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC