Artist Club
Close - Open
(by Teresa Salas Danao  6/19/2008)

Close - Open Close – open! Close – open! Close – open… Paulit – ulit, habang tinuturuan ni lola ang pamangkin ko ng pagbukas-pagsara ng maliit at kaaya-ayang kamao ng maglilimang buwan na anghel na ito. Paulit – ulit, parang inuuto…

Ang nakakatuwa nito, ganito ang buhay, close – open. Ang pag-ibig close –open din.Maging sa pagsusulat close-open pa rin. Ngunit kadalasan, para sa mga katulad kong hindi naman manunulat ngunit gawa ng karanasan, bugso ng damdamin at pagkakataon ay nakakapagsulat ng mga bagay bagay, maging ito man ay tula at maikling kwento. Inspirasyon ang ibat ibang aspetong pumapasok sa sistema ko. Ang kaibahan nito madaling magsimula mahihirap tapusin.

Sa pagsusulat, isa sa paborito kong tema ay pag-ibig, hindi ako makata pero isa akong tipikal na mangingibig ngunit dahil sa porma ng paglalahad ng pagibig dito ako nagiging huwad, simple at bukod- tangi…pambihira. Ang pag-ibig kasi katulad ng mga paborito kong kanta. At sa buhay ko, pag-ibig yata ang pinakamahirap isara. Sabi ng mga kantang nadinig ko sa mga videoke bar “love is all around”, ang iba ganito naman ang sinasabi: “I finally found someone”, “Tell me where it hurts”, “Goodbye and hello”, “when it’s over that’s the time I fall in love again…”. Ito ay mga kapiraso ngunit totoong senaryo ng buhay. Masarap umibig, masakit at mahirap masaktan, hindi ko hihimayin kung pano…pero ang mas masaya at mas masarap ay ang umibig muli parang kanta ni April Boy Regino o ni Renz Verano.

Kung pag-ibig ang tema sa umpukan sa inuman, 'di yata ako papatalo bagkus babangka pa ako. Maaring hanggang magdamagan. Sa dami ba naman ng aking nakarelasyon, hindi sa pagyayabang ngunit sadyang madami. Nariyan yung akala mo siya na nga, nariyan naman yung di tumugma dahil ayaw ng magulang, nariyan yung ipinagpalit ko kay Aida, kay Lorna at kay Fe. Hindi ko na nga alam kung anong bulaklak ako madadapo ulit, para tuloy akong isang paru-paro na kumakanta ng lalarin- larin…

Sa pag-ibig kapag nasaktan, akala mo eh katapusan na ng mundo mo o kaya daig mo pa ang namatayan. Sa katulad kong senti, umiinom ako para makatulog agad para hindi na maiyak o kaya naman naghahanap ako ng kausap. Minsan, natanong ko sa sarili ko kung bakit naimbento pa ang salitang pag-ibig. San nga ba galing ‘to? Ayokong maging bulaan, pero bakit ito ginawang masarap at masakit. Kapag masarap sobrang sarap at kapag masakit sobrang masakit.

Bagamat ganito ang mga paghahambing, napakadaming tao ang umiibig at napakadaming tao ang gustong dumanas ng pag-ibig. Kung tutuusin ito ang pag-iimpok na napakadali mong bumagsak, bumuwal at lumubog!

Ganunpaman, sabi nga sa pilosopiya sa lahat ng bagay na nasabi na mas mahalaga pa rin ang hindi pa nasasabi. Kaya heto ako, muling naglalahad ng pagi-big, nagbubukas muli ng pag-ibig, ng napakasarap na pag-ibig, ng isang maligayang pag-ibig. Ginagamit ko lahat ang aking pandama. Pinapakiramdamn at ninamnam ko ang bawat dapo nito. At diko alam kung kelan magsasara. Panalangin ko, huwag na sana.



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC