Artist Club
Ika-2 Yugto: DR.JOSE L. TABAGO, MAKA-KALIKASAN
(by Antonio H. Co  10/6/2007)

Ang subject code: Ag En 8 na may deskriptong Soil & Water Conservation Engineeering, ginugugulan ng panahon ng lektura sa silid aralan at praktikal na ensayo sa labas ng paaralan.

Mapalad ang aming klase sa pagkakatalaga sa amin ng isang Dr. Jose L. Tabago na may tumpak na kasanayan sa nabanggit na araling larangan. Siya ay may masteral na antas sa Environmental Engineering mula sa Asian Institute of Technology ng Bangkok, Thailand, taong 1973. Pinag-igting pa ito ng katatamong Doctoral na pagkadalubhasa sa programang Water Resources Management sa lupain ng mga kowboy, Oklahoma State University, 1983.

Ang istilo ng pagtuturo ni DJLT ay hindi yung ang estudyante ang maghahanap ng kasagutan. Sadyang itinuturo nya ito. Kaya nga naturingan ang guro na mag turo. Hindi tulad nung iba diyan, self-service ang ginagawa samin. Tatambakan ka ng sangkatutak na assignment, hanggang kaunti nalang ang panahong natitira para sa kanyang pagtuturo.

Mabait si DJLT, madalas gumamit ng kuwento sa pagtuturo na umaaliw at nagpapatindi sa hangarin ng mag-aaral na matuto. Hindi ko pa ni minsan narinig na magtaas siya ng boses sa klase, maliban kung siya ay may sinisigawan.

Masipag si DJLT dahil hindi siya pumapalya o nahuhuli sa pagpasok sa aming klase, maliban na lang kung natrapik sa loob ng CLSU.

Higit na masaya ang aming naging pagsasama dahil sa ibinigay niya sa aming karanasan na madungisan ang aming mga kamay sa pagtatanim ng mga "century plants o centurium" nga ba yun?. Nagaganap ang ganitong maaksyong gawain sa isang bulubunduking lugar na dinarayo namin tuwing araw ng Sabado, Digdig Ranch, Carranglan, Nueva Ecija.

Ipinaliwanag sa amin ni DJLT na ang centurium ay mabisang-madaliang pananggalang sa naligalig na lupaing dumadausdos (soil disturbance or erosion). Ito ay sa kadahilanang mabilis tumubo at dumami ang nasabing halaman. Kumakapit agad ito sa lupa na siyang agarang lunas sa lumalalang pagka-agnas ng lupa na maaaring kahantungan nito kung pababayaang panot ang bahaging tuktok ng bundok.

Mabilis ding mag-isip ng solusyon o pamamaraan si DJLT. Minsan, kinapos ang aming punlang centurium. Maulan-ulan ang araw na yon. Bumaling ng tingin si DJLT sa kabilang pisngi ng bundok at napangiti sa kanyang nakita, mga damong ligaw, cogon grass!

Agad niyang pinulong ang kalalakihan at itinuro ang cogon na siyang magiging kahalili na pupuno sa espasyong kailangang taniman. Agad naming inatake ng sabunot na umaatikabo ang mga cogon at inilipat sa kabilang bahagi ng bundok. Ibayong pagmamadali ang aming ginawa dahil malapit ng kumagat ang dilim at madulas ang daan.

Lumipas ang ilang linggo, pinagtuunan naman namin ang pag-aaral ng mga teorya na ginaganap sa loob ng silid aralan.

At sumapit ang takdang araw ng aming pagbabalik sa nakawilihan ng bulubunduking kapaligiran, masarap na simoy ng hangin at sari-saring paswit na tunog ng huni ng ibon. Nakapamewang si DJLT, gumagala-gala ang paningin. Nasisiyahan sa tanawin na malalago at ganap nangg luntian ang mga pananim ng mga bata. Ang centurium at ang ibang bahagi ng cogon na nakalatag. Napawi na ang panganib na gumuho at mag-unahan pababa ang mga lupa.

Napalingon ako sa kabilang pisngi ng bundok, nakita ko ang bakas ng pinagkuhaan namin ng cogon. Buhaghag ang lupa. Ito naman ang nagsisimulang maagnas.... aaaaahhhh.



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC