Artist Club
Ma MakukuHa ka sa BasuRa..
(by EdongDugong Magpayo  7/3/2008)

MAY MAKUKUHA KA SA BASURA…
Ni: Edong Magpayo

Alas Diyes’y Medya (10:30 AM) ng umaga, ika 28 ng Hulyo, 2007 habang pinapatay ko ang oras sa pag-aantay ng aming programa sa DYPR AM ay pinili ko munang maupo sa harapan ng labas ng himpilan… Habang nililibang ko ang aking sarili sa paggawa ng balitang pang-kalikasan na aking babasahin ay namatyagan ko ang isang matandang lalake na namumulot ng basura sa panulukan ng Mabini at gamit lamang ang isang matulis na bagay na siya niyang pinandadampot sa mga basurang kaniyang nadadaanan sa kalye.

Naisip ko agad na sila ay bahagi ng programang Oplan Linis ng Lungsod ng Puerto Princesa, at isa nga sila sa dahilan kung bakit patuloy na nanatiling malinis ang pinakapusod ng lungsod. Maaaring isa rin siya sa naging tulay upang mapagwagian natin ang titulong “Pinakamalainis at Luntiang Lungsod sa Pilipinas”, at dahil gantimpalang iyon ay mas nakilala pa sa kalinisan ang Puerto Princesa, hindi lamang sa ating bansa bagkus sa ibang panig pa ng mundo.

ANG KAAKIBAT NA HAMON SA GANTIMPALA…

Pero minsan ang parangal ay lubha ring mapaghamon, bakit ko nga ba nasabi ito? Dangan kasi ang karangalang ating natamo ay dapat lamang nating panindigan at maipadama sa tao. Sa pag-iikot-ikot ko sa ilang bahagi ng aming lungsod partikular sa mga komunidad na matatagpuan sa mga gawing baybayin ay mapapansin mo ang mga basurang bubulaga sa iyo. Minsan nga kahit mismo sa pusod ng lungsod ay masusulyapan mo ang ilang piraso ng basura at ang ilan pa ay nasa bahagi ng kahabaan ng Rizal.

Maliit man tingnan ang munting piraso ng basurang iyon, subalit kapag ito ay nagsama-sama maaaring lumikha ito ng isang ingay na gagambala sa atin. Ayon nga sa siyam na prinsipyo ng kapaligiran “Ang Lahat ay may Pinatutunguhan” o everything must go somewhere. Ang maliit na basurang ating tinapon na walang pakundangan sa isang lugar, ay hindi na natin makikita pa sa susunod na araw.

Maaaring ito ay nadampot na ng taga Opla-Linis o dili kaya ay pinulot ng isang mamamayan o bagkus ito ay tinangay na ng hangin at dinala na sa di natin nakikita. Yun pala, ang munting basura na tinapon natin ay umabot na sa kanal at tinangay na ng agos ng tubig patungo sa dagat. At sa kalaunan hindi natin napagtanto na ang maliit na basurang ating tinapon ay lumikha na pala ng kapinsalaan sa ekosistema ng dagat.

ANG PAGBABALIK SA KWENTO NG BASURA…

Pero teka lang balikan ko muna ang aking nabinbing kwento tungkol sa basura, ewan ko ba kasi…Kapag basura na ang pinag-uusapan natataranta na ako, sa palengke na nga lang kanina (linggo) talagang tinututulan ko ang mga tinderang huwag nila akong bibigyan ng sisidlang plastik. Ayoko talaga, dahil sa buong mundo at partikular na dito sa ating bansa plastik ang pinakamaraming uri ng basurang naitala sa mga tambakan ng basura. Maging sa katubigan ito ay matatagpuang lulutang-lutang o dili kaya ay nasa ilalim na ng karagatan at ang iba ay nakapalupot pa sa mga kaawa-awang bahura o Korales.

Okey balik sa Kwento, pasalamat ako doon sa matandang aking nakita. Siya kasi ang naging instrumento ko para mabuo ang kwentong ito tungkol sa basura. Sino nga ba siya? Siya ay si Ginoong Willie Alvarez ng Barangay Princesa at kasalukuyang nasa 57 taong gulang na. At ang gawaing pamumulot nang basura ay halos pitong taon na niyang ginagawa, aniya malaki ang naitutulong ng pamumulot ng basura para sa kanilang araw-araw na pangangailangan sa buhay. At dahil sa kaniyang edad ay mas lalo pa akong naging interesante na palawigin pa ang aking pakikipag-kwentuhan.

PAGPAPALAWIG SA PANGONGOLEKTA NG BASURA…

Inusisa ko siya kung gaano kalayo ang kaniyang binabagtas para sa paglilinis ng isang bahagi ng Puerto Princesa, mabilis naman niya akong pinaunlakan. Aniya nasa halos walong (8) kilometro ang kaniyang nilalakad araw-araw at ito aniya ay mula sa panulukan ng Manalo hanggang sa Ventura Beach. Tinanong ko rin siya kung hindi ba siya napapagal sa kaniyang ginagawa, at mabilis niyang tinugunan ang aking tanong ng “Hindi!”, Naag-eenjoy daw siya sa kaniyang ginagawa at masarap daw ang kaniyang pakiramdam kapag nakikita niyang malinis ang paligid ng Lungsod.

Ang ganda ng kaniyang tinuran, sana nga lang ang lahat nang tao sa lungsod ay may ganoong pananaw para ang pagpapanatili ng kalinisan ng lungsod ay lalo pang maisabuhay. At sana ay muli nilang maalala ang isang patalastas na “Basta Taga-Puerto Disiplinado”, dahil kung isasa-PUSO lamang natin ang linyang ito ay tiyak kong patuloy na dadagundong at papaimbulog pa ang ngalang Puerto Princesa pagdating sa kalinisan. At ito ay mag-iiwan pa ng isang alamat sa pandaigdigang usapin patungkol sa kalinisan.

ISA PANG BAYANG MALINIS MAY BASURA DIN?...

Naalala ko tuloy bigla ang pagbisita ko sa munisipyo ng Brookes Point sa bahaging timog ng Palawan. Ng maglakad-lakad kasi ako sa plasa ng bayang ito ay aking nabasa sa isang pader ang mga parangal na kanilang nataggap hinggil din sa kalinisan ng kanilang lugar. Noong una ay masaya ako, dahil malinis talaga ang nasabing bayan. Subalit ng mapadpad na ang aking mga paa sa dalawang bahagi ng dalampasigan ay bumulaga sa akin ang hindi ko inaasahan.

Basura ito ang tumambad sa akin…Siyempre nagitla ako at nagulat, sabay tanong sa aking isipan na kabaligtaran ba ito ng aking nabasa? Kaya nagpatuloy pa rin ako sa pagtugaygay sa nasabing baybay, dalawang barangay ang aking nadaanan at ito ay ang; Barangay Buligay at Old Camp. Hindi ko alam kung ano ang aking naging pakiramdam ng oras na yon, dangan kasi para kaming nagpapatintero sa dumi ng hayop at tao na aming nadadaanan sa lugar. Dagdag pa ang ibat-ibang mukha ng basura na personal kong nakitang nagkalat sa erya…

PAGKUROT SA DAMDAMIN NG MAMAMAYAN AT NG PAMAHALAAN…

Sana makurot ang damdamin ng ating pamahalaan sa eksenang aking naibahagi, at itanim sa isipan na ang karangalan ay hindi lamang sa pagtanggap ng gantimpala nagtatapos. bagkus ating isa-diwa na ang lahat ay pagsisimula lamang. At sa ating mga kababayan maging ito man ay sa Lungsod ng Puerto Princesa o sa Munisipyo ng Brookes Point, o maging saang lugar man nawa’y magising na rin tayo sa ating mahabang pagkakidlip, panahon na para naman ibahagi natin ang ating “DISIPLINA sa SARILI” at maging “RESPONSABLE” sa tamang pagtatapon ng ating mga basura.

Matuto na rin sana tayo sa karanasan nang iba nating mga kababayan, na kung saan ang maruming kapaligiran at ang kawalang disiplina sa pagtatapon ng basura sa kung saan-saan lang ay lumikha ng isang hamon laban sa kalusugan ng TAO. Gaya nang mga sakit sa balat, pagtatae, pagsusuka at kung minsan ay humahantong pa sa maagang pagkawala. Kaya nasa ating mga kamay rin kabayan ang susi ng ating kaligtasan, maging malinis sa kapaligiran at ilagay sa tamang pagsisidlan ang mga basura daihil ika nga”Basurang Iyong Tinapon ay Babalik Rin sa Iyo”.

At kung magiging alerto lamang tayo at malikhain ay may matatanaw tayong PERA sa basura, at di naman lingid sa ating kaalaman na marami ng tinalakay na dokumentong istorya ukol sa tamang pangangasiwa ng basura at pagreresikulo nito. At gaya ni Ginoong Alvarez kung nais mong makita at mahawakan ang pera sa basura, ngayon pa lang ay simulan mo ng mangalap ng basura dahil sa dulo nito ikaw ay may MAKUKUHA….


Ika 29 ng Hulyo, 2007
Sa aming tahanan sa San Pedro,
Lungsod ng Puerto Princesa
Ika 10:49 ng gabi…




See more Features
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC