Sinasaksak ng liwanag-bombilya ang aking mata Tuwing kumikislap sa puso ang mga alitaptap at pasusuhing mithi na itinaboy at sukat ng tinatanuran ko ngayong dayong pabrika.
Oo, tanod din ako noon sa lupang ito sandata ko`y tirador, tinutugis mga uwak at dagang sa butil lagi nang ngumangatngat; ngayon, bantay akong itinataboy ay tao.
Kapag nabubunggo ng nangangapang paningin pader, tsimni, usok at basurang bumubulwak sa tumbong ng pabrika, sa muni`y sumisiklab ang mainit na dibdib ng nag-iwing bukirin:
Ang gusaling ito ay dating kakawayanang sumaksi sa tilamsik ng panganay na dagta, nagkaloob ng papag sa milyong pulot-gata`t kumanlong sa supling ng pakikipagsuyuan.
Ang pusaling iyan ay dating mayuming batis sa gurlis-kamusmusa’y epektibong panghaplos; at kapag dusang-puso’y masidhi ang pag-ulos langis itong pamahid sa galis ng hinagpis. Ngayo`y dinig ko pa ang kalansing ng pangakong humablot sa kaluluwa ng aming komunidad; sa altar ng pagtuwad sa kaunlarang hungkag ihinandog sa dolyar ang ang lupaing ninuno.
Nangingilo pa ako sa gaspang ng buhanging nilubid at ipinambigti sa dugo at palahaw ng mga obrerong nginasab ng makinang hukluba`t hikain na`y ayaw pang dispatsahin.
Sariwa pa sa gunita ang anak kong si Lina Iniluwa ng makinang ang tanging mababakas na mapagkikilanla`y ang suot na pulseras – ulilang alaala ng yumao niyang ina.
Ay! anong bukas kaya ang mapamumukadkad ng isang pag-unlad na bumabansot sa butil nitong buhay? Kaunlaran ba yaong pagkitil sa daluyang-hininga ng mga kapos-palad?
Hindi ba dapat lamang na akin nang silaban ang pabrikang ito na sa aki`y kumukuba? magkaroon man lamang ng silbi aking pagtanda at magwakas na itong dustang paninilbihan?
|