Artist Club
tao man ay umaalulong
(by lucky p. san pedro  11/16/2008)

bakit, juan? bakit?

nilunod mo ako sa mga letra mo. ang iyong boses na hindi magtimpi ay nasugatan ang emosyon ko. payak lamang ang mga pangungusap na iyon, subalit lumatay sa puso ko. dumadarang sa bigat ng mga alibatang pinukol mo. juan, bakit?

gumuhit na sa ala-ala ang tinig mong kulog na dumagundong sa mga taynga ko. hunghang ang pagkatao ko upang ipilit na hindi ko malay ang mga taludtod mo. kalasin ko man ang tanikalang ipinalupot mo ay hindi mahilom ang kirot sa leeg ko. lumipas man ang taon ay nakapakat pa rin ang hiniluman nito sa aking mga balat. juan, bakit?

ang mga tinig ko ay paos. ang aking pagpapakatao ay hindi matawaran sa wika mong maka-salamangka. nandilim na ang aking pananaw sa mundong sinukluban mo ng kapangyarihan. bulalas mo ay patuloy sa pagtining sa aking memorya. juan, bakit?

susunin ko man ang paniniklop-luhod ay walang tumbas sa mga paratang mong nakabibingi. juan, bakit?

sa pagkakarapa ay tumangila ako sa langit. may sumingit na sinag ng araw na maputla man ay nagpapahiwatig ng pagtindig sa karimlan. karimlang hindi masukat-sukat ng tono mong mapagpakasakit. pagkakarapa sa lupak na pag-ahon. pag-ahon sa kinabukasang hinihintay uamahon.

sa pagkakasubsob ay hinagkan ko ang araw. simula yaon ng isang panibagong buhay. buhay na pumiglas sa sumpa ng nakaraan. sumpa ng nakaraang pumunit sa payapang buhay.





See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC