Artist Club
biag ni basilio
(by lucky p. san pedro  1/1/2009)

bobong tao.
pinagtatawanan.
binabalewala.

puwang ko sa mundong itoy hindi ko matantusan. wala akong ideya sa mga pasikut-sikot na daan.
baku-bako.

ang mga paa ko ay patuloy sa paglilibot. walang pahingahang hindi hinintuan. ang bawat pangalan ng kalye, ng mga taong nakadaupang-palad, nananariwa sa aking memorya.
pinanday.
binigyan ng palatandaan.

pari’t parito ako sa pagsuyod ng mga nakaraan. may masakit at may napakababaw. may mga oras na tiklop tuhod na akong nasa bingit ng kawalan. at may mga minutong naaalalang nakangiti ako.
sawi sa sawing kapalaran.

ang kasalukuyan daw ang siyang daan upang masilayan ang kahihinatnan. ngunit sa pag-usad ng mga araw, wala pa akong nasisilip. tanging hagupit at tikim sa penitensiyang buhay.
nakakabingi.
nakakainip.

wala nang gana sa dinaraanan. ang mga pawis ay gumuguhit sa aking katawan. ano nga kaya ang misyon? roleta ba ng buhay ay roleta ng pag-asa? iikot ba ito?
hahayaan?
paiikutin?

madilim ang bawat araw na animo’y parating na dapi’t hapon sa tamlay. matang manok sa pinaglagakan. nagkukunwang bulag at nagugulumihanan.
pagod.
walang malay.

tiririt ng ibon sa hunghang na kapaligiran. sawing mga halamanan sa tubig ng kasaganaan. ngiwi sa mga asong kimpal-kimpal sa kinakainan.
inggit.
pighati.

bingi ang mga tenga sa limpak na kahangalan. bumubuhos ang ulan sa tampisawang luha-patakan. dumadagundong ang pusong winarak ng nakaraan. ang mga dugo’y nahaluan ng sa banyagang mapanlinlang.
nakadidiri.
nakapanlalait.

biyaya nga bang bansag ang maidadagan sa lipi kong binaboy ng alagad ng layaw? panananghod ng dilang sa duyan ay sumasabay. kulturang nangibang mukha dala ng karangyaan.
nakaaawa.
bobong tao ako na pinagtatawanan, binabalewala. puwang ko ay walang presensiya sa akma ng mananala. pakikibaka sa daigdig na binalot ng plastik at ng mga maskarang nag-uutos.
nakaririndi.





See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC