Artist Club
Panaghoy (eysi... nangangalabit)
(by lucky p. san pedro  11/11/2008)

eysi... eysi... eysi... (read: nangangalabit)

musta ka na?-ako eto, mis ka na... sayang nga hindi na ako estudyante upang masubaybayan pang lalo ang paglago ng ating samahan, ganun pa man, hindi ko na kailangan pa ng kahit anong patunay upang isigaw pa o sabihing MAHAL KO ANG SAMAHAN...

isang taon at higit na akong tapos ng kursong sibil - inhinyero, subalit patuloy pa rin ang paghatak sa akin ng makabuluhang sining, hindi lamang upang ipamalas ang aking galing o ikuwento ng buong magdamag ang aking sariling talambuhay para lamang masagi ng mga nakababata sa akin ang halaga ng samahan at kung paanong pinatatag ako nito sa bawat dagok ng buhay.

totoong makulay ang buhay ng isa alagad ng sining, subalit nananalantay pa rin at pilit na pumipilantrik ang mga emosyong hindi mailabas-labas hangga`t walang midya o anumang elemento upang maisadila ito. nakakapagod nang mangusap, lipas na rin ang mga araw at minsan ay buong magdamag na pakikisalamuha, hindi na ako `yung tulad ng dating kahit saan itaboy ng hangin ay susunod ako. tang-ina! may katapusan rin pala ang lahat. ibig ko mang ngumalngal ay hindi na nito matatawaran na ibalik ang mga panahong katabi ko lang ang samahan - malayo sa anumang pighati ng buhay; bingi sa mga lason sa kapaligirang tao rin ang may lalang; bulag sa mga nakadidiring gawa ng mga palaboy na pilit dinudungisan ang salitang makabayan...

kung maaari lamang pihitin ang bawat paggalaw ng oras ay pipiliin kong kasama ka habang binabagtas ang ilog ng dingalan sa gitna ng init ng araw; akyatin ang bundok ng arayat na masulyapan ka lang ay piglas na ang pagod sa aking mukha; kumain sa dahong luntian kasalo ka; sumalok ng alak kahit may tama na...

asan ka ba kasi? alam kong `pag nabasa mo ito ay maaaring isantabi mo lang ang panawagan ko. hindi kasi ako makibo upang ipilit sa iyo na mahal kita. ayokong isigaw ito o kumain ng sandamukal na siling labuyo bilang matinding patunay.

ikaw na inatangan ngayon ng responsibilidad na isabuhay ang kultura ng kapatiran, isukbit mo sa iyong bamban na narito kami, handang gumabay. huwag mong isantabi na minsan, kami ang humawak ng basong babasaging may laman na dugong pinaghirapan. ang dugong ito ay hindi dugo ng kalaban. ang dugong yaon ay tanda na nagpatak kami kahit katiting ng pagod alang-alang sa pinaghirapan ng mga nakatatanda sa amin.

hindi ko mautal ang nais kong iparating. ang alam ko lang,nananabik ako sa iyo. nariyan ka, narito ako. tanging mga ala-ala na lamng ang bumabalot sa akin upang ako ay mapanatag. panatag na naranasan mo rin; naramdaman mo din; maisabuhay mo din ang presensiyang hindi ko alam kung kailan dumampi sa akin.

malayo man, naririto ka plalagi sa aking puso at isipan.

dahil mahal kita.




See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC