Artist Club
Laro ng Lahi sa SM supermalls kinuyog
(by Elito V. Circa  5/1/2009)

Inilunsad kamakailan sa SM City Rosales, Pangasinan, ang kauna-unahang programa para sa laro ng lahi tulad ng patintero, tumbang-preso, dama, lusalos at iba pa. Layunin nito, na hindi lamang sa liblib na lugar, baryo o bayan maipakilala ang mga larong Pilipino na unti-unti nang nalilimutan, kundi pati na rin sa mga lugar na talagang hindi na ito halos nakikilala. Ang "mall" na ngayon ay kadalasang tambayan at pasyalan ng mga pamilyang nakatira sa mga subdibisyon o lungsod ay mainam na pagdausan ng mga ganitong pagtatampok upang maibahagi at maituro sa mga bata ang kahalagahan at kagandahan ng larong pinoy.

Pinasinayaan ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng pananalita ng bagong Board Chairman ng samahan, na si Engr. Cesar M. Macalinao. Natunghayan din ng mga dumalo ang sabayang pagpipinta sa background ng stage, na gamit lamang ay ang mga kamay nina Von, Ramon, Ardee at Hanz, at natunghayan din ang ilang mga obrang pinta ng mga kasapi sa ginawang pagpapakita ng sining biswal (visual art painting exhibit). Itinampok sa unang araw ang pagtuturo ng pagpipinta, tungkol sa sining, at kultura sa paglalaro, nagkaruon din ng pagbibigay kaalaman kung ano ang kahalagahan ng ating kalikasan. Sinabayan din ng mga batang may edad na lima (5) hanggang sampu (10) ang pagpipinta ng tagapagpadaloy ng programa, at siya ring tumatayong adviser sa kasalukuyan ng samahan, na si Elito “amangpintor” Circa, na tanging mga kamay lamang ang ginamit.

Sa pangalawang araw ng proyekto, ramdam ang kagalakan ng mga bata sa paglalaro ng patintero. Sa una, ipinapakita o nilalaro muna ito ng aktuwal ng mga miyembro ng Samahang Makasining(Artist Club), Inc. sa mga bata upang lubos nila itong matutunan. Ang dalawampu´t lima (25) na batang kalahok ay hinati sa lima (5) at ito ang mga naglaban-laban. Binantayan ito at itinala ang mga bilang (score), base sa ginawang sariling panuntunan ng samahan.

Sa mga sumunod na araw, itinuro at ipinalaro ang tumbang-preso, dama at lusalos, tulad ng dati lubos ang kasiyahan ng lahat ng mga batang dumalo at mga magulang na nanuod at tumunghay dito. Karamihan sa kanila ay nagtanong kung kailan ito muling mauulit sa kanilang lugar. Ang ilan sa kanila ay nagbigay ng imbitasyon upang magturo at magbigay ng kaalaman tungkol sa mga ganitong programa sa kanilang paaralan/lugar.

Sa huling araw, kinatampukan ito ng pagtatanghal tulad ng sayaw, declamation at awit ng mga estudyante mula sa IFI Child School sa pangunguna ng kanilang guro na si Engr. Loida Sy Hap. kinilala ang mga natatanging bata sa bawat larangan ng paglalaro at pagpipinta. Sa pangunguna naman ni Sir Elmer Ulanday, Branch Officer ng SM City Rosales, binigyan ng mga regalo ang lahat ng bata at binigyan ng premyo ang mga nanalo. Nagwakas ang programa sa pamamagitan ng mga pananalita ni Roberto S. Ramos – Board Auditor at ni Angelo Jose A. Gania - Board Member.

(see more photos click here)



See more News
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC