Wala na ang bakyang gamit ni Terya Pinalitan ng sandals na gawa Ni Uncle Sam ng Amerika. Wala na rin ang batya't palo-palo Pati ang ilog sa gawing hulo napalitan na po Nang washing machine at subdivision kuno.
Wala na ang batalan at paminggalan Na lagayan ng inukit na kutsara't pinggan. Marmol at narrang nakaw sa kagubatan Ang nakaukit at taas noong ipinagyayabang, Takip ng maskara at nagpapanggap na mayaman.
Wala na rin ang balagtasan at rondolya Pinalitan na rin ng debateng walang laman At bandang puro ingay ang umiilanlang. Pati na nga letra ng kanta rambol na lang Masabi lang na rapper at makiuso naman.
Wala na rin ang bayanihan Na pinasimulan ni Juan. Usong-uso na kasi lantarang lagayan Bata pa kasi sila ay naturuan Ng makasariling magulang Dahil sa kanilang katamaran.
Recycle bin na silang masasabi Nasa aklat kasaysayan na lang At mahihirapan ng maisuli Paano kaya pag naghirap uli ang economy Saka pipindutin ang keyboard at irerestore uli.
|