Artist Club
Pulutan
(by DANIEL S. GENETA  3/2/2009)

Nasabi ko sa isang kaibigan na kailanma’y di ako susulat ng isang opinyon sa isang pahayagan sapagkat ako’y dibuhista. Hindi ko akalaing aalukin ako ng aming punong patnugot na sumulat ng isa, nag-dalawang isip ako kung pa-uunlakan ko ang alok niya. Kinain ko lahat ng sinabi ko at heto ako ngayon, nagsusulat ang aking mga sentimiento.

Wala akong maisip na paksa. Sa dinami-rami ng napapanod sa telebisyon ang balitang ukol sa National budget para sa taong ito ang tumambad sa akin. Hindi pa man napipirmahan ni PGMA ang budget ngunit kintigan ng kamara ang dagdag na dalawang bilyong piso sa Pork Barrel ng mga kongresista. Napa-tanong tuloy ako kung napakikinabangan ito nga talaga ng mga mamamayan sa kanilang distritong pinamamahalaan, pumasok agad ang kurapsyon sa isip ko. Nagkasala pa tuloy ako nung pag-isipan kong sila’y magnanakaw.

Sa kabilang banda, alam nating lahat na pare-pareho lamang silang nag uunggoy-ungguyan at hindi maitatatwang talamak na ang katiwalian sa gobyerno. Subalit, nagbubulag-bulagan lang naman tayong lahat at imbes…pinapasalamatan, pinapalak pakan, at pinupuri pa natin sila. Halimbawa, kapag nag bibigay ng donasyon o sa pag papatayo ng isang imprastraktura palagi nalang pinapangalandakan ang mga pangalan nila. Mistula tuloy isang campaign material ang donasyon may kick back pa. ‘Di bat galing yun sa kaban ng bayan na binayaran natin sa ating mga buwis?

Kung sabagay, ina-amin ko rin namang naging mandurugas rin naman ako. Bata palang ako, marunong na akong mangupit sa mama ko at hanggang ngayon di ko parin maiwasang mangupit. Malamang nasanay na lang ang mga politikong mangupit simula pa noong bata pa sila, kaya nga hanggang nagayon dala-dala parin nila ang ugaling iyon. Kung sa bagay, malaking tukso sa tao ang ka-perahan.

Mas makabubuti pa kung ilalaan nalang ang perang iyon sa DepEd o DOLE, ngunit wala rin tayong kasiguraduhang mapupunta sa kapakipakinabang na proyekto. Marahil pati sa mga simpleng opisina, departamento , kolehiyo, sa administrasyon, sa ating unibersidad ay may kurapsyon o kickback na nangyayari , di man malinaw o kung papaanong paraan ngunit siguradong mayroon.

Nakaka-awa tuloy yung mga anak ng mga politiko dahil di nila alam kung saan nang gagaling ang kanilang kinakain o ginagastos. Mabuti nalang lumaki ako sa isang maralitang pamilya, alam ko kung paano pinag hihirapan ang aming mga pangangailangan.

Para po sa mga politico…isipin po sana ninyo ang inyong ipingangakong inilahad noong kayo ay nangangampanya, ang inyong sinumpaang responsibilidad para sa kapakanan ng inang bayan lalo na ang inyong prinsipyo.

Marami ang walang trabaho, may krisis sa pagkain ,pang ekonomiya .kalikasan, edukasyon at marami pa. Huwag na po sana nating dagdagan pa.

Paki-usap…’wag po sana ninyong gawing pulutan ang ulam ng buong bayan.

(This article was published in the CLSU Collegian Jan-Feb Issue)




See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC