Artist Club
I love artist club!
(by lucky san pedro  4/16/2009)

pag-aaral o artist club?

pagod na pagod na ako nang mga minutong iyon. hindi ko alam ang isasagot ko. hindi ko alam kung tama bang mamili sa dalawa. ngalay na ngalay na ang mga braso ko, gayundin ang aking katawan. hanggang kailan ko ituturing ang lahat sa optimistikong paraan? hanggang kailan ako magtitiis?

madilim ang paligid. ayaw pang sumuko ng utak ko sa pag-iisip ng kasagutan sa tanong na iyon. matagal bago ko napagtanto ang sagot. ramdam ko ang higpit ng pagkakahawak ng taong kaharap ko ng mga tagpong iyon. ramdam ko ang kanyang mga pakiusap. ramdam ko ang bawat letra ukol sa tamang pagbabalanse ng lahat. mabigat, subalit sa huli ay napagtanto kong walang silbi ang bigat ng batong isinalarawan sa samahan kapag kasapi ka na nito.

i love artist club!

kahit hindi pa ako ganap na miyembro ng sumandaling iyon, bumulalas ang aking damdamin upang umiyak at panindigan ang katagang iyon. maraming luha ang lumabas sa aking mga mata, tanda na nauunawaan ko ang mga nagaganap, ika-12 ng Marso, taong 2005.

pagod na pagod na ako. hindi ko alam ang isasagot ko. hindi ko alam kung tama bang mamili sa dalawa. ngalay na ngalay na ang mga braso ko, gayundin ang aking katawan. hanggang kailan ko ituturing ang lahat sa optimistikong paraan? hanggang kailan ako magtitiis?

nakakasawang mangusap. nakakapagod manalita. maraming hindi ko na kaya pang abutin. sing-tayog ng kalangitan ang sumasalamin. mahirap hagkan. ilang kidlat lamang ang naganap. nakakalungkot. pagbubuhat ng silyang hindi mabuhat-buhat noong una. paglagpas ng mga paa sa ere. kahit ang mga paa noon ay hindi maiwan ang kalupaan. nakahihiwang salita na natutunang dumagundong kailan lamang. ang po at opo ay natabunan na. kay tulin ng pagbabago. sing-bilis ng alon ng ilog. tangay ang pagpapakumbaba na noong una ay pilit nagmamagaling. tinangay na lahat ng panahon. nakakalungkot. biglang naglaho.

pilitin ko mang magpakumbaba-walang epekto. ako si kokok. si kuya bernard ang nagbansag sa akin noon. dahil si san pedro raw ay may manok, kaya’t binigyan niya ako ng ganoong pet name. ngunit katulad ng manok, dumarating ang hapon, senyales ng kadiliman, paglubog ng araw sa kabundukan - ang mga mata ko ay nabubulag. hindi na nito kaya pang makaaninag ng kahit anong bagay. hindi ko na kaya pang maglakbay sa dilim. pagod na ang mga paa sa maghapong paglalakad. ilang oras lamang ang nakalilipas, nabitiw ako sa gitna ng kadiliman. walang naghanap sa akin. walang pumigil. walang tumawag. walang nagmalasakit. hindi ko na nagawang magpaalam. wala ring maka-aninag sa gitna ng dilim.

mainit ang pagtanggap noong una. sing-init ng alab ng kandila. punuin man ang aking palad ng mga sagradong patak na iyon ay huli na ang lahat. hindi ko na maramdaman ang init ng isang kapatid na sasaluhan ako kahit sa isang patak lamang. hanggang kailan ko paninindigan na pasiklabin ang apoy sa aking sarili? hanggang kailan ko hahayaang pumatak at malusaw ang kandila ko? kapag hindi ko ginawa iyon, walang silbi ang aking kandila. hindi ito mauubos. ngunit hindi rin ito magdudulot ng kaunting init. hanggang kailan ko kakayanin na hindi ito pasiklabin? hanggang kailan ko hahayaang lumipas ang mga araw at buwan ng walang liwanag?

ilang taon rin akong naging deboto. ilang beses nang hinamon ng kadiliman kapiling ang samahan. natupad kong pagsabayin ang pag-aaral at ang artist club sa aking mga bisig. katulong sila. ilang taon ring hinayaan kong umalab ang aking kandila at magbigay ng kaunting init at liwanag. ilang taon kong pinanghawakan ang mga payo at kultura ng mga nakatatanda. ilang taon rin akong nagmahal. nakisama. nagmalasakit. rumispeto. nakisabay sa agos. nakihalubilo. tumagay. nakipagkwentuhan. nakipaghalakhakan. nakipag-ungguyan. nagpuyat. bumiyahe. nagpagod. nag-isip. nagkumento. kumontra. umepal. nasaktan.

ayoko nang mangusap. nakakasawa. paulit-ulit lamang ang lahat. ayoko nang mag-utal sa isang bata. iisang tinutumbok, hindi maunawaan.

ayoko nang umabot ng baso sa isang huwad na kapatid. ayoko nang malasing. baka kasi hindi ko rin napipigilan ang aking sarili at nakakasagasa na rin. wala pa akong puwang sa samahan. bata pa ‘ika nga. wala pa akong maipagmamalaki. wala. ayoko na ng alak. ayoko nang magpinta. ayoko nang balikan ang mga kulay na nagpapangiti sa akin. pasmado na ang aking mga daliri. wala ring nagpapahalaga. isasantabi lamang.
ayoko nang magsilbing gabay sa pagbabalanse ng AC at pag-aaral. walang epekto. walang nagsasabuhay. marami ang kumpiyansang balansihin ito. at sa galing magbalanse, nagagawa pang umangkas sa ibang samahan. dahil sa totoo, hindi ko pa rin alam kung maging sa batas ay miyembro nga ako. NEUST chapter lamang ako. hindi ko kayang mang-impluwensiya ng mga kapatid ko. kayang-kaya nila akong sawayin sapagkat tuldok lamang ako. ang mga salita ko ay walang kwenta. may nakarinig man, wala namang nakaunawa. may nakaunawa man, wala namang nagsabuhay. may nagsabuhay man, hanggang simula lamang.

mahal ko ang mga miyembro. gayundin sa mga papasok rito. mangusap man ako sa aplikante ay limitado ang lahat. hindi ako sadista. kahit naging masukista ako.
salamat sa mga kapatid kong patuloy ang pag-alalay sa samahan. salamat sa mga miyembrong isinasabuhay ang dugong makasining. darating ang tamang panahon, mararamdaman mong unti-unti ay umuusad ka sa tunay na buhay ng isang artist. malalim. ipaliwanag ko man na buong araw, mahirap intindihin. mahirap ipaliwanag. tawag iyon ng sining. sagrado. hindi nababatid kung kailan dadapo at kailan dumapo.

pagod na pagod na ako. hindi ko alam ang isasagot ko. hindi ko alam kung tama bang mamili. ngalay na ngalay na ang mga braso ko, gayundin ang aking katawan. hanggang kailan ko ituturing ang lahat sa optimistikong paraan? hanggang kailan ako magtitiis?
madilim ang paligid. kanina lamang ay ramdam kong hindi ako nag-iisa sa paglalakbay. kanina lamang ay ramdam ko pa ang mga kapatid ko sa aking panaginip. kanina lamang, mahigpit ang kapit ng mga braso ko sa mga kasama ko. ayaw ko iyong mapatid.

kinalag ko ang aking pagkaka-kapit. unti-unti kong niluwagan ang kanina’y mahigpit kong pagkaka-taban.
madilim.

tahimik.

sapat na siguro ang munting nagawa ko kay eysi. tama na iyon.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC