Artist Club
Ang Isda at Lambat
(by Genoveva Circa Barcelo Regehr  1/10/2008)

Gumagaod ka sa laot,
Isang mangingisda;
Sa iyong paglalayag,
Umaasam ng pag-asa!
Sa bawat hagis ng lambat na kay bigat;
Kay bigat sa matipuno mong balikat.

Sa dagat na kay layo sa kabihasnan,
Matiyaga kang nag aabang,
Nag mumuni muni, habang minamasdan
Ang mga isdang kay sisigla;
Ibinubuyo at matiyagang minamatyagan,
Kahit nagliliyab ang tirik ng araw,
Na kumukurot sa balat mong tigang sa hirap.

Kahit dumating ang tribunada
Mula sa nangingitim na kalangitan,
Ang ngalit ng rumaragasang ulan,
Sa gitna man ng panganib ng mga higanteng alon
Sa bangkang ilang beses tumaob!
Habang dumadagundong ang kidlat at kulog,
At umiihip ang hanging pumupunit sa langit.

Nais kong pumasok ka sa loob nang paumang,
Sa bawat kislot ng buhay ng kalikasan,
Sa ibabaw ng luntiang tubig,
Ang lambat ay nakatiwangwang
Nagsasayaw sa duyan nang tubig
naghihintay! nananabik! sa isang tagumpay,
``Mahuli ka lamang``.

Ikaw na mapusok na mangingisda,
Kasing bilis ang kilos gaya ng masigasig na kabataan,
Nakikisalimuha sa paglangoy sa mga pating
nakikipaglaro sa mga pawikan
Inaabangan ang pagpitlag
Ng mga isdang buhay at sariwa.

Katulad ng pagsaliksik sa isang dalagang,
susuyuin at hahabul-habulin
Nang makisig mong mga bisig,
Ninanais kong sa lambat ko
Ikaw humantong,
Katulad nang isang paraisong kulungan,
Ikaw ay aking aangkinin,
At hindi pakakawalan
Humalagpos ka man o mangisay.

Sa kabila ng iyong bilis
Kasing-tapang ka man ng sirenang mailap
Sa kadiliman at kailaliman ng misteryosong dagat
May hangganan din ang iyong daigdig.

At landas nga nati`y nagtagpo
Sa aking lambat na nakaratay,
Walang nasayang na sandali
Walang nagawa ang iyong paghuhulagpos

Sa iyong paglapit, sumuko ang iyong dulas,
Mula sa kasuluk-sulukan at lagim ng tubig na walang kasing lalim,
Ikaw ay isdang aking nalikom at nasugpo,
Dito sa lambat ng aking puso!




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC