Artist Club
ANg kaTawAng kaguBatAn
(by EdongDugong Magpayo  7/3/2008)

KAtawAng kaGuBAtAn…

Heto na naman ako muling nag-iisip ng lalamanin ng aking istorya...nagtatanong-tanong sa sarili kung paano ako muling magsisimula na lumikha ng isang sanaysay na maaari kong iugnay sa kalikasan...hanggang sa sumagi sa aking balintataw ang ilan sa mga katagang madalas kong marinig sa aking mga kaibigan at kakilala, na ang katawan ko daw ay parang kalikasan rin na nangangailangan ng pag-aalaga at sapat na pag-aaruga...kaya dito ko sisimulan ang aking kwento...

ANG PANANAW NANG MALALAPIT NA KAIBIGAN...

madalas kasi akong nakikipag-uugnayan sa aking mga kaibigan sa prenster, mapataga-rito sa pinas o san mang sulok ng mundo...palagi ko kasing ipinaabot sa kanila kung ano ang aking natapos na gawain sa aming tanggapan hinggil sa programa naming pagpapanumbalik ng mga nasirang kagubatan sa ilang bahagi ng Puerto Princesa...

At ito ang madalas nilang sabihin sa akin, "sumasaludo kami sa inyong mga nagawa para sa mundo at malaki ang nagagawa ninyong kontribusiyon upang mapanatili ang isang balanseng ekosistema ng mundo" at anila "kailangan nyo ring bantayan ang inyong sariling mundo" at ito nga ang aming sariling katawan na nangangailangan ng magandang kalusugan.

Noong una ay binabalewala ko lamang ang pananaw nila, dahil sabi ko na rin sa aking sarili na kaya ko at hindi kailanman ako maaapektuhan ng karamadaman... Pero isang malaking pagkakamali pala ito, dahil dumating ang isang pagkakataon na siningil na rin ang aking katawang lupa ng ilang karamdaman...nagsimula ito ng kami ay tumungo sa Sitio Macandring, Bgy. Langogan ng Puerto Princesa, tumulak kami doon ng madaling araw ng sabado Ika 27 ng Mayo, 2007 upang magsagawa ng isang Team Building at Leadership Workshop...

ANG HAMON SA KATAWANG LUPA...

Matindi ang sikat ng araw ng kami ay bumiyahe sa lugar, doon pa lang ay nakaramdam na ako ng kakaiba sa aking katawan, may halong panghihina at pag-iinit ng katawan ang dumaloy sa aking pagka-tao. Kaya minabuti ko na lamang ihiga at iidlip ito ng kaunti habang hinahantay ko ang aking parte sa pagpapadaloy...

Nagtaka ako dahil nakabawi ako ng lakas at natapos ko ang pagpapadaloy, subalit ilang minuto lamang ang nakalipas binalikan ako ng pagka-hilo...nasambit ko tuloy "grabeh naman ang Inang Kalikasan hinantay lang niya talaga na ako ay matapos sa pagbabahagi ng aking topiko..."

Dagli ko namanng kinausap si Erwin na hindi ako doon makakatulog sa erya dahil sa tingin ko mas makabubuting umuwi na lamang ako at sa bahay magpagaling...Ako naman ay kaniyang sinang-ayunan, mahaba ang aming biyahe pabalik sa bayang ng Puerto, matindi ang init ng araw at sa di inaasahang pagkakataon ng kami ay papalapit na sa Bgy. Bacungan siya namang buhos ng nagpupumiglas na ulan na ikinabasa ng aming mga tigang na katawan...At ito ang naging daan upang lalo pang manghina ang aking pagal na katawan, buti na lamang at kami ay nakaabot din sa bahay ng tumila ang ulan...

NG MANUMBALIK ANG LAKAS NG KATAWAN...

Makalipas ang ilang araw nakaramdam ako ng panunumbalik ng aking lakas..at hudyat muli ito ng pagtungo namin sa isa pa naming kaagapay na barangay sa aming proyekto at ito ang Bgy. Santa Cruz, noong una ay talaga namang kayang-kaya ko pa dahil nga sa pakiramdam ko ay nabawi ko na ang aking lakas...Pero ito palang si Inang Kalikasan ay tinulungan lamang akong maging malakas upang patuloy naming maibahagi sa komunidad na iyon ang aming mga nalalaman para sa pagpapatatag ng kanilang samahan.

Subalit ng muling matapos ang pagsasanay ng araw ding iyon, Ika 1 ng Hunyo, 2007 ay muli na kaming bumalik ng kabayanan ng Puerto...Pero lubhang ang panahon ay naghahamon, at sa gitna ng aming paglalakbay pabalik sa kabayanan ay muli na naman niyang pinakawalan ang luha ng kalawakan na muli na naman naming ikinabasa...Dito na nagsimula ang paglala ng aking karamdaman, dahil ng kinagibahan nakaramdam na ako ng pananakit ng aking mga kasu-kasuan, sakit ng ulo, sipon at pag-ubo...

ANG PAGBALIK TANAW SA WINIKA NG MGA KAIBIGAN...

At dito ko na rin muling naaalala ang mga winika ng aking mga kakilala na noon ay hindi ko binibigyang pansin...Totoo nga pala na ang ating katawang lupa ay hindi habang-buhay na malakas,ito ay nagangailangan rin ng pahinga at sapat na pag-aaruga at pagmamahal...Inaamin kong nagkulang ako sa aking sarili at masyado kong sinamantala ang aking kalakasan hindi ko naisip na darating ang punto ng aking kahinaan...

Tama nga aking mga kaibigan, dapat ay dininig ko ang kanilang mga opinyon...Marahil, itinakda rin na maganap ito sa akin upang mas lalo ko pang mahalin ang aking katawang lupa...Dahil ayon na rin sailan nating kakilala, mas lubusan mo raw mauunawaan ang pananaw ng iba kung ito ay aktuwal mong mararanasan...Pero siyempre, mas mainam na rin na bukas tayo sa kung ano ang nais ihatid sa atin ng mga taong nagmamalasakit para sa atin, dahil ito ay mas makabubuti...

ANG PAG-UGNAY NG KATAWAN SA KAGUBATAN...

Kaya nga kung iuugnay ko ang katawan ng tao sa isang kapaligiran ay masasabi ko na ito ay isang kagubatan...Matatag, malakas, matipuno, nasasandigan, at maituturing na kanlungan ng dito ay nananahan... Subalit gaya ng kagubatan, ang kaniyang kalakasan ay mayroon ding naitatagong kahinaan lalo na't kung ang kagubatan ay inabuso na rin ng mga taong sa kaniya ay nakikinabang...

Kung ang kagubatan ay patuloy na sinira at unti-unting inuubusan ng mga punong nagsisilbing lakas ng buong kagubatan darating ang panahon na ito ay maniningil rin...Hindi naman siguro lingid sa ating kaalaman na marami ng lugar sa ating bansa at hinahagupit na ng ilang kalamidad dahil sa patuloy nating pagsira at pagyurak sa katawan ng kagubatan....

Ganoon rin sa tao, kapag ang katawang lupa natin ay ating inabuso dumarating din ang takdang panahon na tayo ay sisingilin nito...Gaya ng aking pagmamalabis sa aking sariling kalakasan, dahil noong una ay hindi ko alintana na ako ay dadapuan din ng ganitong karamdaman at ngayon ko napagtanto na ang aking katawang lupa ay nangangailangan rin ng sapat na pansin...

ANG ARAL SA KARANASAN...

Marahil ang aking natutunan dito ay isang aral ng magpapamulat din sa mga kasamahan nating dibdiban ang pagmamahal sa kanilang larangang napili... Hindi po ito isang opinyon lamang, ito po ay isang aktuwal na karanasan na madalas ay hindi ko nabibigyang pansin at isinasawalang bahala lamang ang mga ideya at suhestiyon ng aking mga kakilala ukol sa pangangailangang pahinga ng ating katawang lupa....

Muli po ito ay isang aktuwal na karanasan...
Sa ngayon ang kanarasang ito ay aking yayakapin, upang sa muli kong pagbalik sa komunidad at sa pagpapadaloy sa kahalagahan ng ating kalikasan ay mas may lakas pa akong baluti na dala-dala...Ayoko ng maulit ang isang karanasang ni minsan ay 'di sumagi sa aking kamulatan...Kailangan pa ako ng MUNDO, ng mga ekosistemang nakapaloob dito, magiging kaagapay pa ako ng mga kabataan sa kanilang programa at magsisilbing tulay ng komunidad para sa kanilang nais tahakin na pagprepreserba at pangangalaga ng kanilang kapaligiran...

Ang katawan natin at kagubatan ay iisa...Kung mahal natin ang kagubatan, mahalin din natin ang ating sarili, kung nais nating pahalagahan ang kagubatan ay mas lalong pahalagahan natin ang ating mga katawang lupa...Dahil kung hindi, sino pa ang magpapatuloy ng ating pakikibaka at pakikipaglaban upang tuluyang mailigtas ang kagubatan at ang buong mundo sa mapanirang aktibidades na ginagawa ng ilang takam at sakim sa pagsira sa kahinaan at dangal ng ating kagubatan at ng buong mundo...Na sa kalaunan ang katawang lupa rin natin ang babalikan kung ito ay hindi natin tuluyang maisasalba sa kamay ng mga ganid at hayok na tagasira ng kalikasan...

Ni: Edong Magpayo, Ika 5 ng Hunyo, 2007 sa aking silid alas 9:33 ng gabi, Libis, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City...




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC