Artist Club
BAYANI SA KAHIRAPAN
(by Genoveva Circa Barcelo Regehr  1/10/2008)

Kararating niya mula sa ilog
Dala ang mabangong tuyong labada,
May bitbit pang timba
na may nakasel at susong kabalyada,
Ang kutis niyang mamula- mula
dahil sa init ng maghapong pagkakababad
sa ilog na hanggang tuhod.

Pagsapit ng hapon,
inasikaso naman niya ang aming hapunan
hinarap ang abo at tungko ng kalan;
habang kaming mga bata'y nakatanghod
naghihintay na mainin ang kanin
at maluto ang inabraw
na may sahog pang tinapa sa ibabaw!

Bunso nami'y nakahapon sa dulang,
Ang isa nama'y nagngangakngak!
at ang isa pa'y natutulog sa duyan.
nang maluto ang hapunang inaasam,
mga siko nami'y nagdudumpugan!
sa pag-aagawan sa tabong hinawan
pabilisan sa pagdumog sa hapag;
sa wakas nakaraos!
isang masaganang hapunan.

Sa gabing pisak sa dilim
may ilaw kaming makulimlim;
maririnig ang lagitik ng umuugoy na tumba- tumba;
tatlo kaming nakahapon sa kandungan
ng Inang malalim ang panimdim.

Wala kaming noong mapaglaruan
o librong mabasa man lamang
o kahit musikang kahong pang-aliw;
Tanging kuwento tungkol sa amat
ang sa ami'y panglibang.

Makikilatis sa mga mata ni Ina ang layo ng pag-iisip,
Sa mga gastusin-matrikula at iba pang gastos sa eskuwela at pagkain.
Sa mga pisngi niyang matatalim, sa malalalim na mga mata,
Mababakas ang puyat, ang pagod
sa paggiling ng bigas
sa pagdangdang ng dahon ng saging,
at sa paghahalo ng biko
at pagluluto ng bibingkang kanin.

Sa ganitong paraan niya kami idinaos
pinag-aral, laging kapos na kapos
Wala siyang patid sa pagsusunong ng bilao upang itinda
ang mga kakaning magdamag na niluto;
Kinabukasan, kahit wala siyang tulog ito'y kanyang ilalako,
nakapatalan sa ulo ang mga paninda
Kumakampay ang mga brasong unat,
Tungo sa eskuwelahan at munisipyo.

Kaming mga paslit na naiwan sa tahanan,
naghihintay sa kanyang pagbabalik
At sa kanyang pagdating
Pupupugin kami ng halik at pananabik.

Si Ina, magiting,
Ina na walang bisyo,
Walang ibang laman ang dibdib
kundi ang hangaring maitaguyod
at mabuhay nang marangal kaming mga anak.

Walang kaparis,
Isang uliran,
Buong tapang na lumaban sa kahirapan,
Ina! bayani ng aming buhay.




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC