Artist Club
BATANG PANTABANGAN
(by Dr. B.U. delaMerced  1/14/2008)

Music: Halaw kay Don McLean

Nang ako’y isilang ng mahal kong nanay
Ay tatlong gabi raw silang naglalamay
Di alam kung ano’ng gagawin ni tatay
Para lang lumabas lalakeng panganay
Nandyang pumanaog na una ang ulo
Yan ang pamahiin sabi ng hilot ko
Ang lahat ng ito’y di ko malimutan
Sapagkat ako ay Batang Pantabangan

Tandang tanda ko lang no’ng ako’y bata pa
Gatas ng kalabaw tinda ko sa umaga
Lilibot sa bayan, dala’y kapitera
Beinte sentimos lang puno na ang tasa
Pangbahog sa kanin at kapeng barako
May dalawang tuyo ayos na’ng almusal mo
Ang lahat ng ito’y di ko malimutan
Sapagkat ako ay Batang Pantabangan

Pagpasok sa eskwela no’ng ako ay Grade one
Tatawid sa tulay sa may sapang Panglan
Laging bumabaha panahong tag-ulan
Kaya’t ako nama’y laging pinapasan
Ako’y nakabalangga sa mahal kong tatay
At baka malunod ang kanyang panganay
Kay sarap isipin di ko malimutan
Sapagkat ako ay Batang Pantabangan

Sa St. Joseph School doon sa San Jose
Gumradweyt ng high school edad ko’y katorse
Laging umiiyak halos gabi-gabi
Isip ko’y kapatid na tatlong babae
Si Neneng, si Dodeng, si Bibang ang hanap
Sila ang ibig kong sa gabi’y kayakap
Sabi ni Tang Elit “Magtiis ka laang,
Ay, ganyan talaga gusto mong mag-aral.

Pag bakasyon naman ay sulit na sulit
Sa Mainit, Uktong, sa Bundang ang piknit
Si Rudy, si Mito, si Kuyang Ente ko
Mga kaibiga’y masayang tutoo
Maghapon sa ilog nagaantipara
Si Benny at Jimmy Pader ang kasama
Ang lahat ng ito’y di ko malimutan
Sapagkat ako ay Batang Pantabangan

Pagsapit ng gabi do’n sa Lumang Bayan
Bitbit ay petromax pag mayrong sayawan
Madalas ang jam session kila Ninang Tosang
Top 20 sa radio ayos na’ng yugyugan
Pagkatapos naman’y sa kusina’ng takbo
Kakain ng bahaw bahog ay puriko
Kay sarap isipin di ko malimutan
Sapagka’t ako ay Batang Pantabangan

Oh kay raming kwentong ibig kong ibida
May kwentong malungkot, may kwentong masaya
Mga kaibigang ngayon ay wala na
Mga kaibigang ngayon ay nandyan pa
Salamat sa Poon, San Andres na Patron
Tuwing piyestang Nobyembre’y ipinuprusisyon
Ang lahat ng ito’y di malilimutan
Sapagkat ako ay Batang Pantabangan……




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC