Artist Club
Jeepney (kabanata 6)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Sarao Jeepney... simbulo ng kulturang Pilipino, isang pampublikong sasakyan na tila tahanan. may isang pinto at altar sa bandang harapan. Ito ang naging kapalit ng mga kalesa sa kalsada.

Ibat-ibang uri ng mukha ang nakikita mo, ibat-ibang sigla at kalungkutan. Sari-saring ganda, sari-saring itsura. Nakatingin sa labas, sa katabi, nagmumuni muni, ibat-ibang pangarap, ibat-ibang imahinasyon: kabutihan, kapusukan, kasamaan, tukso at kababalaghan. Dito pilit na hinahatak ng magneto ng mundo ang bawat kaisipan, sa bawat nakikita, sa ibat-ibang itsura, sa kanya-kanyang maskara na nababalutan ng panlabas na pigura.

Sa kahabaan ng trapik, para hindi ako mainip, ginagawan ko nalang ng nakakatuwang kuwento ang mga katabi ko at kung nararamdaman ko nang napapansin nila ako sa palihim na pagngiti, lilingon nalang ako sa labas.

Dito rin sa ganitong uri ng mga pampublikong sasakyan, nararamdaman ko ang kakaibang lungkot na dulot ng pagkaulila sa mga magulang. Siguro, marahil na rin sa pagiging malaya ng isipan habang nagmumuni-muni sa loob ng sasakyan.

Sarao, kilala sa buong mundo. Dito mo lang kasi makikita sa Pilipinas ang ganitong uri ng sasakyan. Ito lang ang sasakyan na gawa ng Pilipino na nagpapakilala sa sarili nating kultura. Ang pagkakdisenyo nito ay naaayon sa kulturang pilipino. Sa tuwing makikita mo ang sasakyang ito, para ka ng nakakita ng kalesa sa lansangan dahil sa pagkakahawig ng disenyo nito kaya nga maliit na kabayo ang palatandaan nito sa bandang harapan.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC