Artist Club
Mga Rizalista sa Kabundukan (kabanata 9)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Olivete, matatagpuan sa Bongabon, huling bayan ng Nueva Ecija bago dumating ng Aurora...

Bahagi pa rin sa Activity ng NEHCAC, nagtungo ang mga staff para saliksikin ang ilang kasaysayan sa lugar na ito. Dahil sa may pasok, hapon ng Biyernes, sumunod kami ni Tolitz papuntang Bongabon. Habang nasa Mini-bus, isang nanay na may simpleng kasuotan ang napagtanungan namin.

‘Saan po ba ang Olivete?’...
‘Aba, malayo yo'n mga anak at delikadong magpunta doon dahil gabi na. Kung gusto ninyo, bukas na kayo pumunta, tumuloy muna kayo sa bahay namin’.

Dahil rin sa pangangamba, napilitan kaming makituloy sa bahay nila. Pumasok kami sa isang maliit na iskinita, sa dikit-dikit at maliliit na bahayan, sa baha-bahang daan. May isang maliit na dampa, tagpi-taping yero ang dingding, isang maliit na pinto at dalawang maliit na bintana.

‘ Dito kami nakatira.’
Nagsulyapan kami ni Tolitz at nakiramdam sandali. ‘Tuloy kayo’...

Para bang buong pagmamalaki kaming pinapasok sa kanilang tahanan, hindi man lang binanggit, ‘Pasensiya na kayo maliit lang ang bahay namin.’ Na kadalasan kong naririnig sa karamihan ng bahay na napupuntahan ko.

Isang maliit na papag, katabi ng lamesang kainan, katabi ng maliit na kuwartong higaan ng mag-asawa at mga anak.

Ilang saglit pa, dumating ang isang lalaking nakayapak, putikan ang paa, may sukbit na buslo at bitbit na panguryente ng Isda... ang ama ng tahanan.

‘Magandang hapon po,’ bati namin.

Nagkuwentuhan, nagpahanda ng hapunan mula sa maliit na buslo, na tanging ikinabubuhay ng pamilya nila. Gigising sa madaling araw, maglalakad ng ubod ng layo patungong ilog, manghuhuli ng bunog batis, mangunguryente ng Isda.

Kinabukasan sinamahan pa kami ni kuyang patungong Olivete. Damang dama namin ni Tolitz ang pagkalinga, itinuring kaming parang anak na sinigurong ligtas sa patutunguhan bago iwanan.

Pagdating namin sa Olivete, nakita namin ang mga staff ng NEHCAC, nagtungo kami sa falls, pumasok sa dalawang kuweba.

Para sa mga tao doon, sagrado ang kuwebang ito, kailangang alisin pa ang mga alahas sa katawan bago pumasok.

Bilang isang manlalakbay, kailangang igalang mo rin ang paniniwala ng mga tao dito, upang igalang ka din nila. Malamig sa loob, mahirap pasukin, dikit-dikit na stalactites, stalagmites at column . Ilan daan libong taon bago nabuo, lumikha ng ibat-ibang hubog, nakakamangha.

Habang pumapasok kami, ingat na ingat ako dahil ito pa lang ang unang pagkakataon na makapasok ako sa kuweba. At dahil sabi rin nila, makasalanan daw, ang madalas mauntog.

Dahil limitado ang panahon, kailangang bumalik at makikipamuhay sa mga naninirahan dito. Na kahit may kasamang takot, dahil sa mga kuwento sa ganitong klase ng kulto, dahil sa kakaibang galaw at kilos ng mga taga rito. Kailangan magdadala ng documentary materials, still camera at videocam, upang maitala ang lahat ng matatagpuan dito.

Olivete sa Nueva Ecija, Mt Banahaw sa Laguna. Tatlong klase ng Rizalismo ang namumuhay dito. Ibong Adarna, Kalbaryo at SNAKIK (Samahan ng Kainainahan at Kaamaamahan).

Sa ating kasaysayan, ang ganitong Kulto o Relihiyon ay naitatag ng mga mananampalataya na di sumang-ayon sa pamamalakad ng simbahang Katoliko noong panahon ng Kastila.

Sa tuwing papupunta ako sa ganitong kalikasan lagi kong naiisip na mas masaya sana kung kasama ang Artist Club at dumating sa pagkakataon na maidala ko sila dito.

Sa pagkakataon na kasama ng ang grupo may dala na kaming seedlings para itanim sa bundok.

Magpapahalaga sa mga bagay na natututunan sa pamamagitan ng panadaliang pakikipamuhay sa kanila at sa kalikasan.

Ilang beses na nagpapabalik-balik, ibat-iba rin ang mga kasama. Sa iisang lugar, ibat-ibang panahon... ibat-aba rin ang natututunan.

Sa bahay nila Ama Condrado ang pinakamatandang Ama ng SNAKIK, pinatuloy sa isang kubo sa itaas ng bundok sa loob ng compound nila, nagparte ng manok para sa hapunan, nagbayo ng nilagang kamoteng kahoy at pumitas ng buko para sa miryenda.

Si Ama Condrado ang anak ng Kaamamahan at Kainainahan ang ang pinaglalooban ng kapangyarihan na mamuno sa Samahan.

Sari-saring kuwento, Ibat-bang kababalaghan. Tungkol sa mga pangyayari sa Lugar na kinagisnan. Malaking lamesa sa loob ng kuweba, pakikipagtunggali sa mga maligno, Pakikipag-usap kay Rizal sa panaginip. At kuwento tungkol sa isang grupo na pumasok sa kuweba.

‘ Minsan may isang grupo na umakyat sa bundok na iyan. Sa pagpasok nila sa kuweba, hindi nila namalayang nawal ang isa sa mga kasamahan nito. Nagpunta ang pamilya ng babaeng naglaho sa kuweba at hinahanap sa akin ang anak nila.

Ang sabi ko sa kanila, makikita nila ang anak nila sa Cagayan dahil ang butas na pinasok niya ay lalagos sa Cagayan. Ayaw nila 'kong paniwalaan sa sinasabi ko at pilit pa nilang ipinalalabas sa akin ito. Makalipas ang ilang buwan natagpuan nila ang kanilang anak sa Cagayan.’

Ang bawat kuweba daw dito ay lumalagos sa Banahaw at Cagayan. At para sa kanila ang sagradong lugar na ito ay ang Jerusalem at ang bukal sa likod ng bahay nila ay ang Ilog Jordan.

Ang Kamaamahan at Kainainahan ay nakahimlay sa kanilang panambahan, kasama ng sari-saring rebulto na tulad ng sa Katoliko, ibat-ibang larawan at dasal na nakasulat sa katsa.

Sa tuwing sasapit ang kaarawan ng Kaamaamahan, dumarayo ang mga kasapi nito mula sa Ilocos. At ayon sa kanila, inaabot daw sila ng mahigit sa isang daang libo.

Nangakasuot ng puti, malumanay na kilos at paglalakad na tila ba naglalakad sa isang paraiso, mananambahan, aawit, maliligo sa Ilog Jordan, iinom ng tubig mula sa batis.

Habang nanggagamot si Ama Condrado at nagbibinyag, patuloy naman ang pagsalok ng tubig ang mga diboto upang iuwi at magsilbing gamot sa lugar na pinanggalingan. Ang iba naman ay sumasalok upang ipadala sa mga kaanak na may sakit sa ibang bansa.

Ibong Adarna naman ang matatagpuan, di kalayuan sa lugar ng mga SNAKIK. Ito ay isang grupo ng mga Risalismo na may di pangkaraniwang batas, tulad ng; Bawal pumatay ng langgam, lamok at kuto, bawal maligo sa ganitong araw, bawal magsuklay tuwing araw ng huwebes at marami pang iba. Hindi kasing dami ng mga taga SNAKIK. Nang pumunta kami dito halos dalawang tao lang ang naabutan namin at kakaunti lang dumadalo sa pananambahan nila.

Sa gawing itaas ng kabundukan, madadaanan papuntang talon, makikita naman ang grupo ng kalbaryo. Halos matatanda na ang mga taga-rito. Sa kanilang pananambahan, puro awitan ang maririnig mo at matitining na dasal na para bang orasyon.

Sa muling pagbabalik kasama ang mga Artist Club, upang saksihan ang sistema ng pamumuhay ng mga SNAKIK. Inikot ang bundok, pumasok sa apat na kuweba, nagtungo sa dalawang falls. Pagdating sa tuktok nagtanim ng mga puno kasama sila Israel, Chairman ng Sanguniang Kabataan, si Albert at ilan pa nilang mga kasamahan.

Pagtatanim... isa sa mga naging layunin ng paglalakbay. Na kahit malayo ang pinagkukunan ng Seedlings ay kailangan pa ring ituloy. Si Israel, Albert, Verjun, Val at Johny ang nagtungo dito. Mula sa Nursery halos tatlong bundok ang kailangan nilang akyatin bago makarating sa camping area.

Patuloy ang pag-akyat, patuloy ang pagbaba, sa tatlong bundok akyat panaog. Na kahit pagod na pagod, kapit pa rin ang mga pananim na lubos na pinag-iingatan.

Kailangang, sumulong, kailangang makarating upang magtanim. Hingal na hingal pagod na pagod. At lubos ang katuwaan ng makarating sa paroroonan. Punong puno ng pawis at hinahabol na hininga ang nagsabing...
‘ Brod! sundalo ang kuya ko, pero parang bale wala sa akin kung anong klase ng ang trabaho niya. Ang hirap pala.’

Sa bawat karanasan, may natututunan, sa paglalakbay, sa bawat hakbang, pinagpapahalagahan

Sa unang kweba, sa tabi ng falls. Pumasok kami ng may pagtutulungan, tahimik ang lahat at dinadama ang lamig at katahimikan. Tulad ng dating gawain, sa loob ng kuweba, mananalangin, magpapasalamat sa kakaibang karanasan na ihinandog ng panginoon at magsisisi sa mga kasalanan at ipapahayag ang pagtanggap Kay Kristo bilang dakilang tagapagligtas. Na sa paglabas mula sa loob ng kuweba. Magkakaroon na ng panibagong pagkatao na punong puno ng pagpapala at kalinisan mula sa bahid ng kasalanan.

Sa ikalawang kuweba sa itaas ng falls, maliit lang ang bukana at di kaluwangan ang loob. Bumuo nanaman kami ng isang panibagong ritwal: pag-aawitan na kapit-kapit ang mga kamay, pagkukuwentuhan tungkol sa mga natutunan at nagaganap sa gitna ng kabundukan.

Pag-labas sa bukana, nagpatuloy kami ng paglalakbay upang puntahan pa ang isang falls.

Mas malaki sa falls sa tabi ng camping area. Huminto kami sandali nagpahinga, nagpalitrato, bago patuloy na naglabay patungo sa pagtatamnan.

Habang umaakyat buong buo ang pag-iingat, ang pagtutulungan upang matiyak na ang lahat ay ligtas sa ano mang kapahamakan. Kitang kita ko ang katapangan ng bawat isa na may pagkakaisa upang magkaroon ng katuparan ang layunin ng paglalakbay na maitanim ang mga dala-dalang seedlings. Na kahit na matatarik ang gilid ng bangin na dinadaanan ay buo pa rin ang loob at patuloy na magtutulungan.

Sa tuktok ng bundok, doon magtatanim. Masayang masaya ang lahat na sa kabila ng pagod ay may maiaalay na halaaman sa unti-unti ng nakakalbong kabundukan na sa pagtangis ng kalikasan ay mapapawi ang matinding pagdaramdam.

Karamihan sa mga kasama ko, pagsasaya lang ang layunin, subalit sa hirap na naranasan at kalikasang nasaksihan, na unti-unti ng napaparam. Dahil na rin sa kapusukan ng mga taong naninirahan dito at patuloy na nagkakaingin at nanununog ng kabundukan. Unti-unti na ring nagbago ang kanilang pananaw at madama ang tunay na layunin at kahulugan ng paglalakbay.

Sa tuktok ng bundok, pagkatapos magtanim, habang nagpapahinga. Tinatanaw namin ang kahabaan ng ilog ng ‘Rio Grande de Pampanga (Upper Pampanga River)’ na ayon sa kasaysayan, ang ilog na pinagdaraanan ng mga Galleon noong panahon ng Kastila.

Sa kabilang bahagi ng bundok, pinasok namin ang isang maliit na kuweba na tinatawag nilang ‘Birheng Maria’. Na sa isang bahagi nito ay para bang may isang hugis Korona na kumikinang. Kaya daw ito tinawag na ‘Birheng Maria ‘.

Sa kuweba ni Jose Rizal... dala-dalawa lang ang makakapasok. Maluwang sa bukana at habang lumalayo, lalong kumikipot. Nauna si kuya Willie, sinusundan ko. Usad ng usad na parang ahas. Ito lang ang paraan para makasulong, para masubukan ang ganap na katapangan.

Dito na nga matatagpuan ang sinasabi ni Ama Condrado, ang malaking lamesa, ang walang hanggang katapusan, ang mga malignong nagliliparan, ang mga kababalaghan.

Usad ng usad na parang ahas, sulong ng sulong hanggang sa maramdaman na hindi na makakilos, at sa kapaligiran, ganap na katahimikan. Punong puno ng takot punong puno ng pangangamba. Walang makita kundi kadiliman, dahil sa kusang naglaho ang liwanag na dulot ng kandila. Nakikiramdam kung humihinga pa, kung may magsasalita. Hindi makakilos, naninikip ang paghinga, parang binabangungot. Kailangan kong sumigaw, kailangan kong humingi ng tulong, kailangan kong magsalita….

‘ Kuya Willie, Kuya Willie’

Sa ilang sandali, walang sumasagot, unti-unting nanlalambot, unti-unting nanghihina. At bigla akong nakarinig ng isang malakas at nakabibinging tinig sa gitna ng katahimikan...

‘ Panginoon sa pagkakataong ito, inaalay ko ang aking sarili na sa pagnanais na subukan ang Inyong kakayahan ay nakadama ng kabiguan. Na kung nanaisin mong bawiin ang buhay na ipinahiram, buong puso ko po itong isasauli. Kasabay ng pagsisisi sa lahat ng mga nagawang kasalanan at lubos na paghingi ng kapatawaran. Tinatanggap ko po si Jesus, ang alay Ninyong anak, ang nag-iisa at dakila naming tagapagligtas. At sa pagbibigay ninyo ng pagkakataong masilayan ang liwanag na dulot ng kalikasan. Hinihiling ko po, na bigyan ako ng matinding pananampalataya at lubos na kalakasan upang magpahayag ng pag-ibig sa lahat ng Inyong nilikha.

Patawarin Ninyo po ako sa lahat ng aking pagkakasala. Ang lahat ng ito ay aking dinadalangin sa dakilang pangalan ng Inyong anak na si Jesus... Amen.’

Sinundan ko ang panalangin at isinapuso na siyang nagbigay ng ganap na kalakasan upang umusad ng paatras at masilayan ang liwanag ng kalikasan, mula sa maliit na butas ng pag-asa sa bukana ng kuweba.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC