Artist Club
Pasko na! Pasko na!
(by Teresa Salas Danao  5/2/2008)

Mantakin mo mag-iisang taon na nga pala ako sa mala-disyertong lugar na ‘to... correction hindi na nga pala ito disyerto dahil nag-u-u-unahan na ang mga matatayog na gusali at nandito na rin ang pinakamatayog sa buong mundo…

Pumasok ang buwan ang Disyembre at maginaw na ngunit hindi katulad sa Pilipinas na pagpasok ng taglamig sa mga ber months eh mararamdaman mo na papalapit na ang pasko. Medyo senti, pero dito ‘di ko mabakas ang samyo ng pasko…bigla tuloy akong nalungkot ito ang kauna-unahang pagkakataon na wala ako sa pilipinas para mag-celebrate ng pasko.

Sa pilipinas, pinag-iisipan ko na kung sino ang mga reregaluhan at laging looking forward to sa xmas party dahil laging nandiyan ang sayawan, caroling, papremyo at mga give-aways! Lumang-luma na tong drama ko pero there’s no place like home talaga!

Lahat ng nababalitaan kong pauwi ng pilipinas aminin ko man o hindi naiinggit ako at gusto kong hilahin ang araw para “its my turn!” para makauwi na rin at ng maamoy ko na ang mala-paraisong bango ng Pilipinas.

Halos hindi magkandaugaga ang ilan sa mga bibilhing pasalubong, mapa-ginto man o electronics, mahal man o mura, kilala kasi ang UAE sa murang electronics at mga jewelry. Siguro, kung madali lang maiuwi ang sasakyan, panigurado, bibili rin at ipapadala sa Pinas mura din kasi ang sasakyan dito.

Mabuti na lamang at pagbalik mula sa Pilipinas ng mga kaibgan at kakilala dala ang mga habilin…Naghihinagpis ako, bakit kasi masyadong mahigpit ang pamunuan ng airport dito…gusto ko pa namang maghabilin ng balot, labong, at adidas (paa ng manok na binarbeque).

Gumagawa ako ng listahan ng mga pagkaing gusto kong kainin kapag nakauwi ako sa Pilipinas, malaliman ang pag-iisip na ginagawa ko. Na-mi-miss ko na rin ang pansit at adobong manok ni mama…naalala ko dati na kapag wala ako sa bahay at paparating ako mula sa biyahe, magluluto si mama ng adobo…sarap talaga. Na-mi-miss ko na rin ang mga pamangkin kong makukulit na nag-uunahang magpapansin at ‘di nalilihis ang tingin at baka malingat eh mawala ulit ako…mag-aaaya kasi ako sa palenke at magpapabili ng kung anu-ano. Haayyy! Sarap talaga ng buhay sa Pinas.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima…lima yata kaming magkakaibigan ang mag-ce-celebrate ng pasko ngunit hindi sa mismong araw ng kapaskuhan mapapaaga kami ng ilang araw kasi di naman holiday ang December 25, kaya absent kami kung itatataon sa mismomg araw ng kapaskuhan ang aming pagsasaya at pag-sama-sama, maliban na lang kung may consideration ang boss at pahintulutan ang lahat gawing holiday (kuno) ang December 25.

Siyempre, pipilitin naming maging masaya malayo man sa aming mga pamilya. Nagpalabunutan din kami at walang sabihan kung sino ang nabunot, eh para namang napakahirap manghula eh li-lima lang naman kaming nagpalabunutan…Tradisyon na ang inuman, kantahan at kung sino ang may lakas ng loob na sumayaw pwede rin, tawanang walang patumangga!

At siyempre kasabay ng aming pagsasaya at kaguluhan, hindi namin malilimutan ang mga regalo para sa pamilya kahit ‘di namin kasama!

Paano kaya ang pasko sa pilipinas ngayon, kasing-saya kaya ng nakaraan o mas masaya at mas masagana…’di bale basta kahit nasaan man tayung lupalop ng mundo eh wag nating kalimutang mag-celebrate ng pasko, para sa ating pananampalataya at paniniwala, para sa ating kasaganaan at para sa patuloy na pakikibaka!

Maligayang Pasko!



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC