Artist Club
Sining
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Papasok na naman sa trabaho, makikibaka na naman sa mundo ng bakal, semento, kisame at silong ng mesa. Maghahantay ng akinse at katapusan dahil ito lang pinakamahalagang araw na hinahantay ng bawat isa.

Sa daigdig ng pagkainip, lubos na pananabik ang naging kapalit ng matanggap ko ang imbitasyon mula sa Artist Club (Samahang Makasining) ng CLSU, isang organisasyon na kinabilangan ko ng nasa kolehiyo pa ako. Iniibitahan akong mag-lecture tungkol sa Sining at Kultura sa Isabela State University (ISU) kasama si Tolitz, Tita (isang guro mula sa Rizal, Nueva Ecija) nakatalaga upang tumalakay sa larangan ng teatro, si Ernie (isang guro ng Central Luzon State University) siya naman ng nakatalaga sa pagtalakay tungkol sa leadership training. Kasama rin ang iba pang miyembro ng AC.

Sabado ng umaga... gaganapin ang Seminar/ Workshop kaya gabi pa lang ng Biyernes kailangan ko ng umalis dahil walo hanggang sampong oras patungong norte ang biyahe mula sa Maynila hanggang sa patutunguhan ko.

Habang naglalakbay patungong Isabela, kailangan kong makatulog, para maginhawa pagdating ng seminar. Kaya lang hindi ko magawa, dahil patuloy na naglalaro ang isipan ko kung ano-ano nga ba ang bawat katagang bibitiwan.sa mga dadalo sa seminar. Nananabik, nagmumuni-muni, nangangarap na baka dito ko na makita ang Sining na hinahanap.

Sa Isabela State University ginanap ang seminar. Bago magsimula kailangang magtipon muna ang grupo, maghahawak-hawak ng kamay: magsasalinsalin ng lakas, mananalangin bago umpisahan, upang maging ganap na makabuluhan.

Si Tolitz, unang tagapagsalita, folk painter ng Pantabangan, Nueva Ecija, isang alagad ng sining na nakilala ko, dahil sa pagpasok sa Artist Club, dahil sa kanya, nagising ang pagkakatulog ng aking kamay at damdamin sa pagguhit at pagkauhaw upang salliksikin ang tunay na kahulugan ng sining. Isa siyang alagad ng sining na may pagmamahal sa kulturang kinagisnan at naglalayon ng pagyamanin ang kakaibang kultura na taglay ng kanilang maliit na bayan. Isa rin siya sa mga alagad ng sining mula sa kanilang bayan na nagnanais bumuhay sa isang alamat na hanggang ngayon ay hindi pa rin naglalaho at patuloy na pinaniniwalaan, ang alamat ni Minggan at Mariang Sinukuan.

Sinimulan niya ang pananalita, sa pagtatanong tungkol sa kahulugan ng Sining.

‘Ang Sining ay pagpapahayag ng damdamin sa pamamagitan ng sariling kakayahan o abilidad.’

Ito ang pangkaraniwang pakahulagan ng mga estudyante sa Sining. At habang nagsasalita si Tolitz, nanabik ako dahil karamihan sa sinasabi niya, alam ko na. Siguro dahil palagi kaming magkasama sa ganitong gawain… Sa kanya ang Sining, sa akin ang Kultura.

Pabilis ng pabilis ang pintig ng pulso ko, habang nararamdaman kong malapit na siyang matapos, dahil ako na ang susunod.

Sisimulan ko rin sa pagbibigay ng kahulugan sa Sining at bibigyan ng relasyon sa kultura.

‘Sining... malaya, bawat alagad ng Sining ay may karapatan na magbigay ng sariling kahulugan base sa kanyang karanasan at sariling pananaw. Ang pagbibigay ng kahulugan sa Sining ay naayon sa lalim ng pagmamahal mo dito. At habang tumatagal ng tumatagal at nagiging ganap ang pag-ibig mo sa kanya… lalo mong mabibigyang lalim ang bawat kahulugan nito.’

Pag-ibig... ang Sining ay pag-ibig, ang pag-ibig na di mapaglinlang, bagkus ang pag-ibig na punong puno ng Katotohanan... ang pinakamatalik na kaibigan. Sa kanya...hindi ka makakapag sinungaling, dahil kapag ginawa mo ito mawawalan siya ng saysay at kabuluhan. Kaya sa tuwing makakapiling ko siya, walang lumalabas sa aking labi, sa aking damdamin...kundi katotohanan.

At kapag ang bagay na ginawa mo, ay puno ng pagkukunwari at kasinungalingan, hindi mo matatagpuan ang tunay na kahulugan. At dahil sa pagsasaliksik , paglalakbay at pagpapahalaga. Nakilala ko siya sa iisang kahulugan, ang katotohanan.’



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC