Artist Club
Sa Kanto lang, Para!! Manong Para!!!
(by Melchor R Cabungcal  9/21/2007)

(This poem was written in Memory of Ricky Romualdo)

Masarap tumawa, basta' may kasama
Yakapin ang ligaya kung di ka nag iisa
Bawat ngiti kahit tumulo laway sa labi
Tingnan mo ang dinadaanan at baka mali

Bawat kaldag ng buhay minsa'y masakit
Ang importante humawak ka ng mahigpit
Minsan sobra ang nasa ating bulsa
Mas madalas parin ay halos kapos na

Malayo ang paglalakbay, nakakainip
Mainit man at kahit medyo masikip
Walang ibang ginagawa kundi magmasid
Nang kung ano mang kakaibang bagay sa paligid

May nauuna at madami ang nahuhuli
Pero bakit nananatili ka parin sa tabi
Marami ang tulog at marami din ang gising
Pero bakit sa iyo wala parin pumapansin

Mula paa hanggang ulo lahat napagmasdan
Mga suot na damit akin nang natitigan
Tatak at presyo isa isa ko nang hinulaan
Sabay pansin sa sarili anu pa kaya ang kulang?

Minsan ang buhay bigla na lang hihinto
At mapapansin mo ikaw na pala'y malayo
Muling mag aantay sa pag ikot ng mundo
habang ang araw binabago ng ating mga anino

Minsan lang matatabunan ng tuwa ang labi
Minsan lang nasasaktan at nasasawi
Pagdaan sa bawat kanto lahat nagbabago
Bawat preno may darating at mawawala sayo

Sa kanto lang.... Para Manong Para!!!
Pakitabi lang po sa tapat ng kalsada
Sa lugar kung saan nakahimlay dati kong kasama
Pero bakit di ko napansin Manong lumagpas na pala!




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC