(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)
siya ang alon na naghatid ng sanlaksang putik at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis, pero hindi delubyo ang kanyang pangalan; titigang maigi, titigan ang kanyang mukha at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:
mga kalansay na bahay at gumuhong pader, naghambalang na puno at poste ng kuryente, nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero, nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse; hindi delubyo ang kanyang pangalan.
walang babala, dumating siyang rumaragasa, lahat nang mahagip, nilingkis, walang pinili, naghasik ng takot kahit saang sulok. titigang maigi, titigan ang kanyang mukha at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:
dinggin ang taghoy, masdan ang mga bangkay; hindi delubyo ang kanyang pangalan. tawagin natin siyang munting plastik o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal; hindi delubyo ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang mall at subdibisyon na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan, tawagin natin siyang basurang iniluluwa ng lokal at dayuhang planta at pagawaan; hindi delubyo ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang gubat na kinalbo ng mga magtotrosong nasa senado at konggreso, tawagin natin siyang bundok na hinalungkat ng mga kompanyang may basbas ng batas; hindi delubyo ang kanyang pangalan.
titigang maigi, titigan ang kanyang mukha at tuntunin ang bukal ng ating mga luha. Siya ang yamang-bayang ibinubulsa ng tiwali’t mandarambong na politiko; kaya tawagin natin siyang kasakiman, kaya tawagin natin siyang kapabayaan;
sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan.
|