Artist Club
Operation Damayan sa Auditorium, Dinumog ng mga Tsikiting, Mayor Boyito Dizon, Nakisayaw
(by RNG FM News  9/2/2008)

DINUMOG ng mga tsikiting ang idinaos na proyekto ng Radyo Natin Guimba noong Huwebes, Hulyo 24, 2008 sa Municipal Auditorium ng Bayan ng Guimba na extension ng Operation Damayan: Gamit Eskwela. Humigi’t kumulang sa 1,500 Day Care students kasama ang kanilang mga magulang at Day Care Workers kaya bumibilang sa halos 3,000 ang mga lumahok na hindi halos magkamayaw sa pinaglunsaran ng proyekto.

Maaga pa lamang ay nagtungo na sa Auditorium ang mga bata kasama ang mga Day Care teachers upang maghanap ng mapupuwestuhan. Kani-kaniyang latag ng mga banig, sako at lona upang doon na lamang sumalampak samantalang ang ilan ay may bitbit namang mga upuan.

Naging tema ng Operation Damayan: Gamit Eskwela Extended ang Nutrisyon kung kaya’t bukod sa pamamahgi ng mga gamit eskwela ay nagkaroon din ng drawing session at pagtuturo ng tamang pagsisipilyo ng ngipin.

Dumalo ang grupo ng Samahang Makasining na pinamumunuan ni Sir Lito Circa. Itinuro nila sa mga bata kung paano mag-drawing. Ipinakita naman nila Dr. Glee Fuellos at Dr. Felix Lumang ang pagsisipilyo ng ngipin at tumulong sa pamimigay ng mga gamit eskwela si Guimba Mayor Boyito Dizon na nagbahagi ng 1,000 pad paper na may tatak ng kanyang pangalan.

Hitik sa Pakulo

Hitik sa pakulo ang programa. Inumpisahan ito sa isang warm-up sa pamamagitan ng pagsayaw ng lahat bata at magulang sa saliw ng awiting “Makulay ang Buhay”. Labis na ikinatuwa ng mga bata ang pagsayaw maging ni Guimba Mayor Boyito Dizon at ng Staff ng Radyo Natin Guimba (RNG) sa pangunguna ni Gie Herrera, ang Station Manager ng RNG. Ang ilang Barangay ay nagpaligsahan pa sa sama-samang pagsayaw.

Pumili ng 3 batang nagtataglay ng Pinaka mapuputi, Pinaka malilinis at Pinaka magagandang ngipin sina Dr. Glee Fuellos at Dr. Felix Lumang na pinagkaluoban ng premyong toothbrush at toothpaste mula kay G. Paul Balcos. Ang mga batang napili ay sila Prince Charles Bravo, Jason Liwanag at Madison Wara.

Matapos ipamigay ang mga crayola, papel at lapis ay pinaguhit ang mga Day Care students katulong ang Samahang Makasining. Ang kanilang drawing ay minarapat na magkaroon ng temang “Sa Wastong Nutrisyon ni Mommy siguradong Healthy si Baby” bilang suporta sa pagdiriwang ng Nutrition Month. Pumili ng 10 pinaka-maayos na drawing na ipinaliwanag ng mga nagsiguhit at tumanggap sila ng premyong bag.

Ang mga napiling drawing ay iginuhit nila Darius Alvin Villamar, Johanna Mae Ganizan, Eduardo Sanidad, Maria Angelica Mamaradlo, Carlos Miguel Della, Javer Clint Dana, Diemary Vargas, Rytz Aira Mariano at Shaira Jenifer Jacinto.

Sumunod ay ang pinakahihintay ng mga bata, maging ng mga magulang, ang pagsipot ni Jollibee (mascot) sa okasyon. Sa paglabas ng ilang crew ng Jollibee Guimba mula sa likurang bahagi ng stage ay sumipot na rin si Jollibee. Tulad ng inaasahan, super attraction sa lahat si Jollibee. Sumayaw ito sa saliw ng awiting “Makulay ang Buhay” , “Crank That” at “Low” kung saan ay hindi napigilan ang mga bata sa pag-akyat sa stage at naki-indak.

Tinapos ang programa sa pamimigay ng toothbrush na ipinaglaloob naman ng kumpanyang WellMade.





See more News
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC