Artist Club
Tunay na Masang Pilipino (kabanata 3)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Isang mahalagang pangyayari ang hinding hindi ko malilimutan na naganap sa buhay ko. Nangyari ito nang dumalo ako sa Student's Congress na Sponsor ng National Union of Student's of the Philippines sa Little Flower Convent, Baguio City noong Nov 25-30, 1992.

Puro student's leader ang mga delegado, mula sa ibat ibang pamantasan at kolehiyo sa Pilipinas. Habang nakikinig sa speaker nakikiramdam ako sa mga tao sa paligid ko. Kung minsan namamalayan ko nalang na lumilipad na pala ang isipan ko at nangangarap, na sa dami ng mukhang nakikita, nangangarap na maganap sa buhay ko ang pangkaraniwang istorya sa pilikula. Ang pagiging Super Hero para maligtas ang kasalukuyang katayuan ng bansa na tinatalakay ng Speaker at s'yempre para mapaibig na rin ang pinakamaganda sa Congress na sinusulyapan ko, ang leading lady…. At nabigla na lang ako nang magpalakpakan na ang mga tao, tapos na pala siyang magsalita.

Maraming bagay ang tinatalakay, sinusuri ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at suliranin nito, ang role ng bawat isa bilang mag-aaral para makibahagi dito. Para sa akin, napaka-boring, dahil wala akong pakialam noon sa sitwasyon ng lipunan. Subalit kahit hindi ako interesadong makinig, nauunawaan ko pa rin kung ano ang pinagsasasabi nila.

Wala akong kamalay-malay na sa bandang huli ay nagkakaroon na rin ako ng interes dito. Nalaman ko, na karamihan pala sa aking mga kasama ay ang mga estudyante na kadalasang sumisigaw sa kalye at ipinaglalaban ang bawat karapatan... bilang mag-aaral, magsasaka, mangingisda, mangagawa o bilang isang Masang Pilipino.
Sa Huling gabi ng Congress...Solidarity Night, magpapamalas ng ibat-ibang palabas ang bawat rehiyon o pamantasan na nais magpakita ng galing. May mga sumayaw, umawit, tumugtog mula sa NCR, Central at Southern Luzon, gayun din sa Visayas at Mindanao. Habang nanunuod ako... may isang lasing na makulit sa likuran ko at kung ano-ano ang sinasabi. Siyempre lahat ng katabi niya, alerto at naiirita. Pero, wala akong pakialam sa sinasabi niya. Basta ang alam ko, masaya akong nanunuod.

Ibat-ibang palabas, ibat-ibang kultura. Ibat-ibang sayaw at mga awitin mula sa mga delagado sa ibat-ibang panig ng Pilipinas. Nakakaaliw, nakakasiyang panoorin lalong lalo na kapag kilalala mo ang nagpa-participate sa intablado.

Panandaliang tumahimik ang lahat ng tinawag ang Kalinga delegation, dahil walang lumalabas. At bigla na lang kaming nagulat ng may nagkalantugang takip ng kaldero at sandok mula sa ikalawang palapag patungong Social Hall. Sabay-sabay na may kasamang indak sa paghampas ng sandok at kutsara sa plato at takip ng kaldero patungong bulwagan na nakabahag at nakatapis.

Interesado akong manood, dahil siguro sa kilala ko at kababata ko si Arnold Onia, isa sa mga nagsasayaw. At marahil nakatuon nalang sa bawat palabas ang isipan ko.

Sa halip na palakpakan ang narinig. Umuugong na tawanan at para bang may kasamang pangungutya ang nangibabaw. Subalit, patuloy pa rin ang buong siglang pagsasayaw. Nanibago ko sa paligid dahil wala ng lasing na maingay sa likuran ko.

Nabigla nalang ang lahat ng magpunta siya sa harapan, kinuha ang mic at nagsalita. Habang patuloy na nagsasayaw ang mga taga Kalinga (tang….tang....tang..tang..tang). Isang lasing na mag-aaral mula sa Ilocos ang nagbaba sa sarili, sa katauhan ni Butch, upang gisingin ang lahat.………

‘Nakakalungkot dahil sa pagnanais ng mga kapatid natin mula sa Kalinga na magbigay ng panandaliang kasayahan ay pangungutya at tawanan ang ipapasalubong natin sa kanila.

Dahil ba sa sila ay nakabahag o nakatapis o dahil ba sa sila ay tagabundok.

Kayo, (tinuro ang mga taga NCR mula sa harapan)... palagian kayong nasa kalye, sumisigaw..... Mabuhay! ang masang Pilipino. Tingnan ninyo ngayon! sila ang tunay na masang Pilipino, na lagi ninyong isinisigaw. Nakakahanga kayo, dahil kayo ang nakikipaglaban upang bantayan ang karapatan ng masang Pilipino. Subalit nasaan...nasaan ang katotohanan sa inyong puso, sa pagsigaw ng ‘ Mabuhay!!! ang masang Pilipino’.`

Patuloy ang pagsasalita, patuloy ang pagsayaw. Tahimik ang lahat, may nanginginig ang laman, tinatamaan, umiiyak, kumokontra at patuloy pa ring nangungutya.

Biglang tumayo ang isang taga NCR. Kinuha ang mic at humingi ng paumahin.

‘Oo inaamin ko, nagkamali kami. Pero dahil ba sa ganitong sitwasyon ay puputulin na natin ang ating kasayahan. Sorry...patawarin n'yo kami.’

At dahan dahan siyang bumaba. Dahil sa imosyon kinuha pa rin ni Butch ang mic at patuloy na nagsalita.

‘Tama na!!! nag-sorry na nga eh!’ sigaw ng taga NCR.
Biglang sumigaw ang taga Visayas, ‘ Pabayaan mo siya!, ibigay ang karapatan!’
‘Mabuhay ang tunay na masang Pilipino!’.

Inulit ng karamihan ng ilang beses,
‘Mabuhay ang tunay na masang Pilipino!’.
‘Mabuhay!!!… Mabuhay!!!… Mabuhay!!!

Dahan dahang lumapit si Dennis Cunanan, ang President ng NUSP, at inakap si Butch. Isa-isang naglapitan ang mga taga NCR at yumakap sa kanya na may bahid ng luha sa mga mata.

Patuloy pa rin ang pagsayaw, at halos lahat, isa-isang nagtungo sa bulwagan, nagsayaw at umindak sa tunog ng takip ng kaldero at sandok, (tang....tang.... tang..tang..tang). Nagpapasalinsalin sa pagpukpok, pagwasiwas sa kumot, pag-indak ng paa, pagbuka ng kamay, patuloy na pagpilantik ng mga daliri, kasabay sa pagsunod sa pagak na tugtog.

At umabot sa halos tatlumpong minuto na nakadama ng kakaibang sigla ang bawat isa, sa malakultura at katutubong sayaw.

Mula sa karanasang ito, nabago ko ang mataas na pagtingin sa sarili sa tuwing nakikita ko sila na bumababa sa bayan mula sa itaas. Sila na tanging Pilipino, na hindi nabihag ng kulturang banyaga ang dapat magmalaki. Na nagtataglay ng lahi nating pinagmulan.

Paulit-ulit ko itong tinatalakay sa bawat lugar na pinupuntahan namin. Sa Cabanatuan, Tarlac, Ilocos Sur,Rizal, N.E at sa kung saan-saan pang lugar na iniimbitahan kaming mag-lecture. At sa pamamagitan nito, unti-unting nadaragdagan ang aking kaalaman na maibabahagi pa sa iba.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC