Nagigising pa rin akong tulala. 2013? kahindik-hindik. 45 na nga ba ako? Kagila-gilalas.
Walang bagong taon na hindi ko binati ang umaga nang may pagkamangha. Walang bagong taon na nasabi kong naging mas madali ang nakaraaang taon kaysa sa kamakalawa. Parang palagi kong hinihila ang sarili ko na kailangan palaging mas higitan sa darating na taon. Baka kasi ito na ang huli. Ang dami ko pang hindi nagagawa sa buhay. Ang dami ko pang pagkukulang bilang isang tao.
Kaya paalala ko sa sarili ko, banatin ang katinuan hanggang mababanat. Sisirin at liparin ang kakayahan kong magmahal at magpuyos. Maglakbay hanggang bumigay ang tuhod at ihikbi na lang ang puyat. Maghanap ng connection at magkuwento. Tumalon sa maraming bangin at tandaang huwag pumikit. Manampalataya. Ipaalala sa sarili na maliit lang naman ang hinahanap kong puwang sa mundo. Maliit pero ako lang ang pwedeng pumuno noon. Sakit ko na talaga ito.
Pero 45 na talaga ako. Yung tatay ko namatay 40 years old lang. Hindi talaga maiwasang maikumpara. Lalo na pag lumaki kang sinusukat mo palagi ang halaga mo sa anino ng mga taong pinuno ang buhay mo ng mga tanong.
45 na ako at sumusuko na ako sa biyahe. Kung hindi rin lang ako mawawala, sa inyo na yang living in a suitcase and all the romance that comes with crossing borders. Naglalakbay ako dahil naniniwala ako kay Paul Bowles. Naglalakbay ako dahil naniniwala akong pag malayong-malayo na ako at hindi ko na alam kung nasaan ako, doon lang ako nakakabalik. Kung susuriin ng mabuti, makasarili ang hangarin ko. Wala akong ambisyon na baguhin o iligtas ang mundo. Sariling buhay ko nga, hindi ko mailagay sa isang secure na posisyon. Pilit kong tinutulak sa alanganin.
Masaya na ako sa kabiyak ko. Milestone ang pagsama niya sa akin pag-uwi. Kahit paano sana naipaunawa ko sa kanya kung bakit ako ganito, that all the beauty and craziness inside me comes from a small town, a nation that i left behind many, many years ago -- but only physically.
Mapatawad sana ako ng mga minahal ko. Huwag na sana akong masyadong magalit sa 2013. Hindi na Kay ng puso ko. Malabo na rin ang mata ko. For the first time, hihingin ko sa sarili ko na sana itong darating taon, maging mas mahinay ako sa pag-asam. Puwedeng panatiliing daring ang puso pero payak pa rin pagdating sa basic needs.
Magtanong at magpahalaga.
|