Artist Club
BAWANG, PANGGISA NA, PAMPINTA PA
(by Diego Poklong  1/17/2009)

HINDI lamang panggisa, pampinta na rin! Ito ang sambit ng mga taong nagmasid sa inilunsad na kauna-unahang garlic painting exhibit noong Disyembre 15-19, 2008 sa Municipal Plaza na inilunsad ng Guimba Tourism Office. Sa nasabing okasyon ay itinanghal ang mga obra ni G. Mark Lawrence Libunao, ang tanging Pinoy na nakilala na gumagamit ng bawang bilang medium sa pagpipinta.

Sa temang “Enchancing Guimbanian’s Talent through Tourism”, inaasahan na makapagbigay inspirasyon ang pagtatanghal sa iba pang Guimbanian na magbungkal din ng kani-kaniyang angking talento hindi lamang sa usapin ng sining kungdi sa iba pang larangan tulad ng pagsasaka, komersyo, public service at iba pa.

Tulad ni Mark, habang tumutulong sa magulang sa pagtitinda ng "lomi" sa kanilang maliit na tindahan sa kabayanan ng Guimba ay naisip nito na gamitin ang ginisang bawang hindi lamang sa pagbibigay sarap at gana sa hinahaing mainit at masabaw na "lomi" kungdi maging ispesyal na sangkap ito sa kinahihiligan pagpipinta ng mga obra.

Ayon kay Mark, ihahandog niya sa pamilya at sa bayan ang anumang tagumpay na posibleng makamit sa sandaling tangkilikin sa mundo ang kaniyang talento. Sa kasalukuyan, nasa ika-5 taon ng pag-aaral ng Architecture si Mark at naninirahan kapiling ng mga magulang at kapatid sa Sta Lucia, Guimba Una ng nadiskubre ng GMA7 sa Jessica Soho Report ang kaniyang mga obra at kinakausap umano siya ng Ripley’s Believe It or Not para ipakilala naman sa mundo.

Naniniwala naman si Bb. Rhea Leyva Santos, Guimba Tourism Officer, na maakakabuti hindi lamang kay G. Libunao ang pagpapatampok sa nadiskubreng talento, mapapansin din aniya ang Guimba na isang Bayang maipagmamalaki sa buong bansa at sa mundo.

Samantala, bago aniya mawalan ng lasa ang panindang lomi ng magulang, nanawagan si Mark sa sinumang bukas na tumulong sa kaniyang pagpipinta lalo na sa kinakailangan nitong kilu-kilong mga bawang.





See more Features
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC