Artist Club
Life is never been easy: Makalumang kasabihan, malalim ang kahulugan.
(by Teresa Salas Danao, Dubai, UAE  5/1/2007)

Ilang milyong Pilipino na nga ba ang nakipagsapalaran sa ibang bansa? ilang dekada na nga ba? at ilang pamilyang Pilipino na nga ba ang nangungulila sa kanilang kapatid at magulang sa ibang bansa? Mga simpleng tanong at simpleng kasagutan pero kapag pilit ninamnam pilit mong pinipigilan ang mga luha na namumuo sa iyong mga mata…

Life is never been easy, kailangang kumayod ng husto upang maitaguyod ang pamilya, ang iyong sarili at makatulong sa kapwa. Ito ang isa mga dahilan kung kayat milyong milyong Pilipino ang nangingibang bansa. Katulad nila, may kanya kanyang malalim na litanya at hindi makakalimutang istorya. Minsan, nakakatuwa at hahagalpak ka sa katatawa, kadalasan maiiyak ka sa bawat hibla ng habang sinasalaysay ito.

Dubai: Ito ang lugar na halos araw araw mkakasalubong mo ay si KABAYAN! Kabayan ang huwad na tawag sa kapwa mo Pilipino, ito ang pangalawang pangalan namin sa Dubai. Kadalasan, ''Kabayan anong bus ang papuntang karama, satwa, deira, bur Dubai''…at marami pang iba. Si Kabayan ang araw araw kasabay mong sumasakay ng bus, naglalakad at bumbili sa grocery. Si kabayan na patuloy na ngsisikap at ngtitiis sa mainit na Dubai.

Natatandaan ko nung ako ay nag-aaral pa, (at magpahangang ngayon dahil ang buhay ay patuloy na pag-aaral) Sabi ng teorya ni Charles Darwin: Survival of Fittest, sa madaling sabi life is survival of the Fittest, khit saang aspeto naman kung susuriin survival of the fittest nga naman, ang nakakatagal syang naiiwan, syang nabubuhay sa pakikipagsapalaran. Ganito dito dubai, Survival of the Fittest. Sino nga ba naman ang makakatiis sa mainit na Dubai, sa among matagal magpasweldo at sa mga ilang lahi na halos dalawang beses lang maligo sa loob ng isang linggo at mkakasabay mo sa bus ang mala-sibuyas na amoy. Na datapwat wala kang magagawa pinipilit mong huwag huminga at pakiramdam mo bay dumidikit ang masangsang na amoy sa iyong amoy-tide na damit?. Halos lahat ng tao sa umaga ay nagmamadali sa paglalakad at sa pag-iwas sa tindi ng sikat ng araw upang maagapan ang siksikang bus. Kadalasan sa bus station ang maririnig mo: ''hey, there's a line at the back'', para sa mga taong di marunong pumila at pasimpleng sisingit.

Natatandaan ko rin sa aking pag-aaral ng kasaysayan, ang Pilipinas ay ''melting pot''. Tagpuan ng mga ibang lahi sa mundo, sa ngayon Dubai ang masasabing ''melting pot'', halos lahat ng lahi sa buong mundo ay narito. Negosyanteng Amerikano, pinoy engineer, pakistabung laborer, secretaryang indiano, at marami pang iba. Naalala ko ang halos araw araw na kasabay kong Vietnemese na si Lulu, mapagkakamalan mo talagang Kabayan, marunong magtagalog at ang paborito niya ay pagkaing pinoy, madalas nyang baon ay adobo at kangkong. At eto ang punchline kapag tinanong mo kung ano ang nationality nya ang sagot ay: ''bisaya ako!'' Katulad ko nakikipagsapalaran din, siya, upang maitaguyod ang pamilya sa Vietnam. Naalala ko din si ate Dory na kabahay ko, isang manikurista, lahat ng kinikita pinapadala sa Pinas para sa pag-aaral ng dalawang anak. Na halos ang pahinga na lang ay pag-idlip sa kakakarampot na oras dahil may hinahabol din sideline sa mga gustong magpaganda ng kuko katulad ni Lyn.

Sabi nila malungkot ang buhay sa ibang bansa. Sa tingin ko walang kokontra sa opinyong ito. Mabuti na nga lang at may mga kabayan kang kasabay mong pupunta sa beach o kaya naman mag-window shopping sa mall o kaya ka-holding hands mo sa paglalakad o kaya naman kawentuhan sa inyong spare time o kasabay mong mgsisimba. Ngunit sa pagkakataong ito, masasabi mo pa rin ''gusto ko ng umuwi sa Pinas''. Karamihan, ang tawag sa tirahan dito sa Dubai ay ONE big happy Family in a one hot roof.

Dito sa Dubai, si Kabayan ay walang pahinga, mabilis ang oras at araw sa buhay nya. At lahat ay looking forward to sa bakasyon sa Pinas, at ang pakisuyong padala sa pamilya kasabay ng mga salitang pakisabi sa kapatid, asawa, magulang na wag silang mag-aalala sakin dito, ok lang ako at sa ganoong pagkakataon ay nabubuhayan ng loob at nadagdagan at nabubuo ang sigla sa bawat pagsikat ng mainit na umaga. Patuloy ang pakikibaka, patuloy ang pakikisalamuha at higit sa lahat patuloy ang padala para pamilya upang magkaroon ng magandang bukas.

Matagal na panahon na rin na ako ay di gumagawa ng mga salaysay ewan ko ba at ako ay napasulat ngayon. Ang totoo niyan kamo wala ang Omani kong boss na laging nakapalda at delayed magpasweldo.

Sa ganitong pagkakataon gusto kong bigyan ng pagpapakahulugan ang kasabihang Life is never been easy: It's survival of the fittest.



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC