Artist Club
Tungo sa Mapagpalayang Pagtula
(by Emmanuel Villajuan Dumlao  9/2/2007)

A B S T R A K

Tinatalakay ng artikulo ang pagtula bilang panagot-laya, isang konseptong kinapapalooban ng dalawang magkaugnay na pakahulugan. Una, kombinasyon ito ng mga salitang pananagutan at kalayaan, kapuwa katangian ng pagtula na hindi dapat paghiwalayin. Ikalawa, ito ay pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihang maaaring gamiting panagot-laya o “pantubos”/ “panagot” sa kalayaan. Sa madaling salita, ang tula bilang puwersa ng paglaya at pagpapalaya.

Isinasaad dito na upang maging puwersa ng paglaya at pagpapalaya ang tula, kailangan itong mambubuliglig, ibig sabihin, walang humpay na magtanong, mag-usisa, bumusisi. Kailangan itong maging puwersa ng pagdestrungka sa bawat istruktura, kaayusan, at kaisipang sumasagka sa kalayaan ng tao.

Kakabit ng ganitong oryentasyon ng pagtula, binibigyang diin ng artikulo ang kahingian sa makata na buligligin din ang sarili bilang kinakailangang tugon sa tawag ng pagbabago at pagpapakumbaba.

Pasakalye

“Tay totoo bang napulot n’yo lang ako sa tae ng kalabaw?”

Paulit-ulit ang tanong na ito sa akin ng bunso kong anak. Ano man ang maging sagot ko sa kanya, manganganak at manganganak ng di-magkamayaw na bakit ang kanyang tanong. Wala siyang pinipiling oras at lugar: sa hapag-kainan, habang nanunuod ng telebisyon, sa paliligo, sa jipni, sa higaan.

Minsan, pagkatapos ng mahabang pagkukuwento na hinaluan ko na ng teknik pang-meditasyon at hipnotismo, inakala kong mapapasaakin na ang tulog na may kung ilang araw at gabi ko na ring ipinupundar. Nakapikit na ang aking anak. Wala na akong ibang naririnig kundi ang aking hininga at wala nang pinakamatamis na gawin kundi ang pumikit. Pero hindi pa naglalapat ang aking mga pilik ay parang sawang gutom na tumuklaw ng sisiw ang kanyang tanong –

“Tay ba’t po tayo natutulog?”

Magdamag kong pinulot ang sumabukay na mga balahibo ng aking antok. Hindi siya napipigil ng aking paggagalit-galitan o kahit ng totoo kong galit. May mga sandaling napapakalma siya ng aking pakiusap pero hindi para tuluyan nang manahimik kundi para rumesbak. Nang mas malakas, nang mas mausisa.

Hanggang dumating ang panahong isinaboy ko na sa hangin ang hinabi kong buhangin. Inamin kong hindi totoo na napulot lamang siya sa tae ng kalabaw. Biro lamang iyon, paglalambing. Gumuhit sa kanyang mga mata ang ngiti. Sa wakas, sabi ko sa sarili, matatahimik na rin ako. Pero akala ko lamang pala ‘yon. Muling rumatsada ang kanyang mga tanong. “Ba’t nyo pala ako pinapagalitan?” “Ba’t si Ate – ?” “Ba’t Cielo Azul ang pangalan ko?”

Pambubuliglig

Epektibong porma ng libangan at instrumento ng pagtatala ng iba’t ibang karanasang pangtao ang tula. Pero higit dito, ito ay isang puwersa ng pambububliglig – walang patawad na pagkuwestyon sa lahat ng bagay, kaisipan, praktika, o kaayusang humahadlang sa kalayaan ng tao.

Ang pambubuliglig ay kakabit ng dalawang magkasalikop na aspekto ng kalayaan – pagsira at paglikha. Bawat paglikha ay isa ring pagsira at walang pagsirang tumutungo sa paglikha nang hindi dumadaan sa pambubuliglig. Kakambal ng kalayaan, kung gayon, ang pambubuliglig.

Nang ipahayag, halimbawa, ni Benigno R. Ramos na
Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit
kundi sa paghamak sa Bayang may hapis
manong mabakli ka’t ang taglay mong tulis
ay bilugin ako’t sugatan sa dibdib.
(mula sa “Panulat”)
at ni Jesus Manuel Santiago na
Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
di kaya’y isang bungkos ng
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.

(mula sa “Kung ang Tula ay Isa Lamang”)
ay binuliglig nila ang paniniwalang ang tula ay pumpon lamang ng mga salita at walang pakialam sa lipunan. Sinalungat nila ang pagtingin na ang panitikan ay kalipunan lamang ng salita at imahen at isang hiwalay at nagsasariling (autonomous) estrukturang verbal, sarado at walang anumang kaugnayan sa eksternal na realidad (Eagleton 80).
Sa pagsalungat na ito, pinatingkad ni Ramos at ni Santiago sa nabanggit na mga tula ang responsibilidad ng makata sa lipunan. Pinatunayan nila na hindi lamang simpleng ekspresyon ng sariling karanasan at saloobin ng indibidwal ang tula. Tulad ng sinasabi ni Bertolt Brecht, ito ay isang panlipunang gawaing hinuhubog at humuhubog ng kasaysayan (483).
Sa pamamagitan ng nabanggit na mga akda, binigyang-hugis ng dalawang makata ang bagong mukha ng tula sa kani-kanyang panahon: karahasan ng mananakop na Amerikano kay Ramos at karahasan ng diktadurang Marcos kay Santiago. Oo, hindi napawi ng bagong mukha ng pagtulang ito ang gutom ng bansa (na talaga namang hindi kayang gawin ng tula) pero naniniwala akong binigyang-hugis nito ang bagong tradisyon ng pagtula sa Pilipinas – pagtulang bumubuliglig hindi lamang sa lipunan kundi maging sa sarili. Naniniwala akong ang diwa ng ganitong pag-usisa sa sarili ay patuloy na uukilkil sa kamalayan ng mga makatang nakikisangkot o nagnanais makisangkot sa paglikha ng kaayusang magpapanumbalik ng tiwala at pagmamalaki ng Pilipino sa kanyang sarili at bansa.

Ibinatay ko ang konsepto ng pambubuliglig sa dalawang bagay: kakulitan ng bata at daloy ng ilog. Hinango ko sa kakulitan ng bata ang walang patumangga at walang puknat na pagtatanong o pag-uusisa. Sa ilog ko naman kinuha ang inspirasyon tungkol sa direksyon, pag-angkop, at pagsuwag ng tula sa sarili.

Nakakabilib ang mga bakit ng bata. Walang patawad, walang pinipiling panahon at lugar. Gaya ng mga tanong ni Cielo Azul, ang batang ikinukuwento ko sa Pasakalye, kaya nitong bulabugin ang gaano man katinding paghimbing o halina ng antok. Sabi ko sa aking sarili: Sana ganito ang aking mga tula, kayang gumambala sa mga taong inaantok, natutulog, o nagtutulug-tulugan.

Samantala, nakakamangha ang tubig-ilog. Walang humpay ang agos, paiba-iba ng anyo depende sa lugar na dinadaluyan nito. At gaano man magpalikaw-likaw, tiyak na pupunta sa dagat. Depende sa tereyn, maaari itong maging lawa, sapa, saluysoy. Depende sa panahon, puwede itong maging rumaragasang daluyong o mga pinong pitik ng alon o isang salaming kalong ang kabughawan ng langit. Kaya nitong wasakin ang hulmahang nagbibigay dito ng hugis. Kaya nitong tungkabin ang pampang at umukit ng bagong daluyang muli nitong babaguhin, kundi man tuluyang wawasakin.

Sabi ko sa aking sarili: Sana maging tulad ng ilog ang aking pagtula, kayang mag-iba-iba ng anyo, kayang umangkop. Depende sa lugar at panahon, kayang maging epiko o bugtong; malayang taludturan o may tugma’t sukat. Depende sa lugar at panahon, kayang mag-alsa boses o maging matimpi o maging mapaglaro.

At tulad ng ilog na uuwi’t uuwi sa dagat, lagi sanang nakatuon sa pagpapalaya ang aking tula. Gayundin, tulad ng mga along tumutungkab sa sariling hulmahan at muling umuukit ng bagong daluyan, lagi sana nitong usisain o suwagin ang sarili.

Ngunit ang ganitong kakanyahan ng pagtula ay hindi kusang sumusulpot; kailangan itong gawin o papangyarihin. Nakasalalay sa makata – sa kanyang kakayahan at kahandaang buligligin at palayain ang sarili – ang katuparan ng tula bilang puwersa ng pambubuliglig, bilang kapangyarihan ng paglaya at pagpapalaya.

Saligang Konsepto ng Pagtula

Panagot-laya ang itatawag ko sa saligang konsepto ng aking pagtula. Dalawang magkaugnay na pakahulugan ang kakabit ng terminong ito. Una, kombinasyon ito ng mga salitang pananagutan at kalayaan, kapuwa katangian ng pagtula na hindi dapat paghiwalayin. Ikalawa, pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihang maaaring gamiting panagot-laya o “pantubos”/ “pansagot” sa kalayaan. Sa madaling salita, ang tula bilang puwersa ng paglaya at pagpapalaya.

pantubos sa kalayaan

Una kong tatalakayin ang ikalawang pakahulugan.

Nakatanikala sa kaapihan at paghihikahos ang mayorya ng mga Pilipino. Iilang pamilya lamang ng mga panginoong maylupa at kapitalista, kasama ang kasapakat nilang opisyales ng militar at mga dayuhan, ang komokontrol at nagtatamasa sa yaman ng Pilipinas. Sa bisa ng kanilang kapangyarihang pang-ekonomiya, nagagawa nilang pagpasyahan ang buhay ng sambayanang Pilipino. Sa kalahatan, nangingibabaw sila mula Malakanyang hanggang simbahan; mula korte hanggang kulungan; mula konggreso hanggang barangay hall; mula eskuwelahan hanggang masmidya; mula kabukiran hanggang pabrika.

Makahulagpos pa kaya ang Pilipinas sa ganitong pagkakalugmok?

Buo ang aking pag-asa. Naniniwala ako sa sinasabi ni G.W.F. Hegel:

When individuals and nations have once got in their heads the abstract concept of full-blown liberty, there is nothing like it in its uncontrollable strength, just it is the very essence of mind, and that its very actuality . . . If to be aware of the idea – to be aware, i.e., that men are aware of freedom as their essence, aim and object – is a matter of speculation, still this very idea itself is the actuality of men – not something which they have, as men, but which they are” (sinipi sa Dunayevskaya, flyleaf).

Ikinakawing ko sa siniping nosyon ukol sa kalayaan ang konsepto ng tula bilang panagot-laya. Naniniwala ako na may kakayahan ang tula na hubugin ang kamalayan ng tao tungo sa kanyang paglaya at pagkilos para sa kalayaan ng sambayanan. At para sa akin, ang pagtugon sa ganitong adhikain ang pinakamahalagang kabuluhan ng pagtula.

Makikita ang ganitong pagkilala sa kapangyarihan ng tula sa pahayag ni Salvador P. Lopez ukol sa panitikan: “higit pa sa tunog at kulay; ito’y isang buhay na bagay na binubuo ng dugo’t apoy, nagtataglay ng walang hanggang ganda’t kapangyarihan” (Cruz at Reyes 242).

Bakit may ganitong kapangyarihan ang tula?

Taglay ng tula ang subersibong kapangyarihan ng imahinasyon (Selden 133). Nabibigyan nito ng hugis at ekspresyon ang paghulagpos ng imahinasyon mula sa mga kinasanayang bagay, konsepto, at kaayusan. Ayon nga kay Epifanio San Juan, Jr: nasa tula ang lakas ng pagsasanib ng “anarkiya ng damdamin” at “abstraksyon ng isip” ( 61).

Gayunman, walang kinikilingan ang tula. Kaya itong paamuin at gamitin ng sino mang makata, at maging ng hindi makata pero may pambayad sa makata. Pansinin, halimbawa, ang masmidya sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng telebisyon, sine, radyo, diyaryo, komiks, bilbord, libro poster, at iba pang daluyan ng sining, si Malakas at si Maganda at ang kanilang mundo ay mistulang luwad sa ilalim ng kapangyarihan ng tula/ makata, hinuhubog ayon sa kalooban ng kapital.

Pananagutan at Kalayaan

Sa unang pakahulugan, sinasabi kong kapuwa pananagutan at kalayaan (panagot-laya) ang pagtula. Hindi dapat paghiwalayin ang dalawang kalikasang ito na bumubuo sa kakanyahan ng pagtulang isinasangkot sa panlipunang pagbabago. Panagot-laya ng makatang nakikisangkot na lumikha ng mga tulang tutulong sa taumbayan upang higit nilang maunawaan ang kanilang sarili at kalagayan. Panagot-laya niyang tiyakin na bawat inobasyon, eksperimentasyon, at ano pa mang pagbabagong gawin niya sa tula ay nakatuon sa paglaya ng kanyang sarili at kapuwa. Panagot-laya niyang tiyakin na ang mga kahingian ng kanyang pakikisangkot ay hindi sumasagka sa kanyang pagkamalikhain bilang makata, sa pagiging makasining ng kanyang mga tula. Gayundin, panagot-laya niyang tiyakin na ang kanyang pagtula at pakikisangkot ay hindi kailanman tatalikod sa pagsisiwalat ng katotohanan at sa pambubuliglig sa mga balakid ng kalayaan.

Ang panagot-laya bilang saligang konsepto ng pagtula ay hindi lamang usapin ng pagbabalanse, bagamat napakahalagang punto nito. Mas higit, elaborasyon ito ng isang pananaw-pampanulaan sa konteksto ng panlipunang pakikisangkot. Sinasalungat nito ang pagtinging ang tula ay isang entidad na tiwalag sa realidad panlipunan. Binabangga nito ang pananaw na ang tula ay isang kasangkapan lamang na walang sariling batas at ang kaakuhan ay itinatakda ng wika ng politika o ideolohiya o relihiyon.

Humugis sa akin ang konseptong ito batay sa obserbasyon kong hindi otomatikong nagiging mapagpalaya ang tula maging sa kamay ng makatang aktibong nakikisangkot sa pagpapalaya ng sambayanan. Personal kong naranasan ang sinasabi ni Virgilio Almario na “hindi garantiya ang pagtaas ng kamulatan tungo sa paglikha ng rebolusyonaryong panulaan” (321). Halos lahat ng tulang naisulat ko sa panahon ng aking kasigasigan sa pakikisangkot ay padaskol ang pagkakalikha. Malabis na pinagtuunan ko ng pansin ang kahingiang pampolitika ng kinabibilangan kong organisasyon. Mas nangibabaw sa aking pagtula ang pagsisiwalat ng mga gasgas na panawagan ng pakikisangkot sa pagbabagong panlipunan, sa gasgas na pamamaraan. Naisantabi ko ang pagbibigay-pansin sa mga pormal na sangkap ng tula gaya halimbawa ng tunog at imahen. Kung ano ang una kong maisulat noon, iyon na. Wala nang rebisyon. Hindi na baleng gasgas, basta makapagtugma o kaya’y maihayag ang saloobin, ayos na.

Hindi tumagos sa aking pagtula, kahit paulit-ulit kong binasa, ang punto ni Jose Ma. Sison sa talumpating isinulat niya para sa kumperensya ng UP Writer’s Club noong 1983: “isang bagay lamang ang magkaroon ng wasto at progresibong kaisipan at pampulitikang pananaw. Ibang bagay din naman ang paglikha ng pinakamahusay na akdang pampanitikan” (Ulos 79).

Wala sa hinagap ko noon ang katotohanang hindi sapat ang dakilang layunin lamang para makapambuliglig ang tula.

Sa kabilang banda, naranasan ko ring tumula para sa kapakanan ng pagtula lamang. At napatunayan kong hindi rin garantiya ng pambubuliglig ang husay sa paghabi ng salita.

Sa puntong ito pumapasok ang kahalagahan ng holistikong pagtingin sa dalawang magkasalikop na aspekto ng tula: bilang “kasangkapang ideolohikal” (Torres-Yu x) at bilang sining na may sariling lohika at batas (Trotsky 373 at 375). Higit sa usapin ng pagbabalanse, ang ganitong pagtingin ay holistikong pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihan.

Pambubuliglig sa Sarili

Sa pagninilay ko sa tinakbo ng aking panulaan, nakita ko ang dalawang ugali na naging pinakamabagsik na kaaway ng aking pagtula: pagkampante at paglutang.

Kakambal ng pagkampante ang nosyon (o ilusyon) ng katiyakan ng sagot sa lahat ng bagay at ang pikit-matang pagyakap sa katotohanang aking pinaniniwalaan. Masasalamin ito hindi lamang sa mensahe kundi maging sa porma ng aking mga tulang tigmak sa agua bendita. Tigib ng katiyakan ng kaligtasan at paniniwalang hawak ko ang Katotohanan ang naturang mga tula. At may iisang padron ang pagpapahayag: ilalahad sa unang bahagi ang iba’t ibang mukha ng pagsubok at sa bandang huli’y tutuldukan ng kaligatasang kay Kristo o sa Ama lamang nagmumula. Katulad din ito ng mga tula kong taas-kamao’t tiim-bagang na hitik na hitik naman sa katiyakan ng tagumpay, ng paglaya. Ilalatag ko sa una ang kahirapan at aping kalagayan ng uring anakpawis, lalangkapan ng pagkakapit-bisig at pakikibaka, at wawakasan sa pagputok ng araw sa silangan, pagwawgayway ng bandilang pula, pagkakamit ng kalayaan at demokrasya.

Samantala, kawalang-pakialam naman ang pangunahing katangian ng paglutang o pagiging tiwalag sa sambayanan. May mga tula akong mga pumpon lamang ng salita, walang kawawaan. May mga tula akong naglalaro lamang sa hugis o tunog; parang ibong kampay nang kampay ngunit walang patutunguhan.

Sa pagkakahirati ko sa ganitong mga gawi, naranasan ko kung gaano kahirap lumayo sa mapanlampang ligamgam ng kinasanayan.

pagkampante at pikit na pagyakap

Dalawang beses akong napabilang sa platun ng pagtulang kinukubabawan ng pagkampante. Ang una ay noong nasa seminaryo ako at ikalawa, noong naging kasapi ako ng kilusang nagsusulong ng pagbabagong panlipunan. Sa mga yugtong ito, inakala kong hawak ko na ang lahat ng sagot at ang buong katotohanan tungkol sa buhay; inakala kong naitanong na ang lahat ng tanong at tapos na ang lahat ng sagot tungkol sa buhay at lipunan. Kumbaga sa kompyuter, “cut and paste” na lamang ang kailangan kong gawin. Palagay ko noon, ang mga sagot at katotohanang alam ko ang tanging wasto. Labas sa bersyon ng Kristiyanismong aking pinaniniwalaan, labas sa bersyon ng Marxismong aking niyayakap, wala nang ibang katotohanan. Parang kulto, mga kasapi lamang ang maliligtas.

Dahil nga ganito, mas nahubog sa akin ang pagtango at pagsunod kaysa pag-usisa at pagtanggi. Lalo pa’t nasaksihan ko ang mga pulang letrang itinatatak sa dibdib ng mga mapag-usisa at matapang humindi. Bunga nito, karamihan sa mga tulang isinulat ko sa panahong ito ay nakakakulili dahil sa pagkakapare-pareho. Walang bukambibig kundi ang paggigiit ng iisang tamang daan ng pagbabago. Para akong panatiko na naniniwalang walang ibang wasto kundi ang aking sarili. Nilulukuban ako noon ng kamalayang inilalarawan ni Dunayevskaya: “everything had to fit into its world. If people could not be ‘remolded’ to fit, they had to be destroyed” (291).

Sa seminaryo, inakala kong pagmimisa ang pagtula. Wala akong bukambibig sa aking mga tula noon kundi ang kaligtasang matatamo sa pagtatalaga ng buhay kay Kristo. Narito ang ilan sa aking mga “sermon”:

Kahit saan ka magpunta
Walang dapat ipangamba
Si Hesus laging kasama
Manalig sa pag-ibig Niya.
( mula sa “Manalig Ka” )
sa ating pagsulong tungo sa tag-araw
kailangang mag-ugat sa matibay
na pundasyon ang ating lakas
huwag tayong matakot sa ginaw
na dulot ng tag-ulan
gagabayan tayo ng panginoon
sa landas na ating tatahakin.
(mula sa “Gagabayan tayo ng panginoon” )
Sa kilusan, ipinalagay kong simpleng pagtataas-kamao at pagtitiim-bagang ang pagtula. Para sa akin noon, sapat na ang pagbanggit ng ismo, ibagsak, anakpawis, rebolusyon, at iba pang maaalab na salita para maging makabuluhan ang tula:

ang luksang lambong ng magdamag
ay pupunitin ng isang pag-aaklas
ang ningning ng karit ay sasambulat
maso’y ipupukpok nang buong lakas
(mula sa “Sa pagsulong ng sambayanan”)
ang mithing kalayaa’y ating makakamit
magwawakas ang panahon ng mga ganid
pagkatapos ng madilim na gabi ng pakikibaka
tiyak sisilay ang pulang araw ng tagumpay.
(mula sa “Ito na ang panahon” )
Makikita sa mga sinipi ang sinasabi ni Almario na mga tulang “namamakipak sa islogan” at lagi’t laging nagtataas ng kamao at nagwawagayway ng bandilang pula (279).

Hanggang dumating ang panahong natagpuan ko na lamang aking sariling bulag at bingi sa sariling kahinaan, habang parang Mesiyas na nagpapahayag ng kaligtasan sa taumbayan.

Saan kaya patutungo ang mga makatang tulad ko? Umaalingawngaw sa aking utak ang sinasabi ni Victor Serge sa sanaysay niyang “The Writer’s Conscience”: Sa halip na bumalikwas, aniya, at “hagupitin ang mga berdugo, itampok ang kabayanihan ng mga tinortyur, ipagtanggol ang alaala ng mga pinaslang” (442), isinusuko ng makata ang sariling leeg sa “lubid ng tagapagbigti” (437), sa kapritso ng mga berdugo.

May mga makatang nag-alay ng kanilang panulaan sa Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos. Tumaginting ang awiting “May Bagong Silang” sa bawat sulok ng

Pilipinas: “Nagbabago ang lahat/ Tungo sa pag-unlad/ At ating itanghal/ Bagong Lipunan!”

Ayon kay Victor Serge, ang ganitong pagyukod sa poder ay walang kauuwian kundi “walang latoy at nakauumay na panitikan” (464). Sinuhayan ang ganitong pagtingin ng deskripsyon niya sa panitikang Ruso sa ilalim ng diktadura ni Stalin: “patriotic prose overwhelming with its monotony” (436).

paglutang at pagiging tiwalag sa sambayanan

Ang kabilang dulo ng aking pagkampante ay ang paglutang at pagiging tiwalag sa sambayanan, sa panlipunang realidad. May panahong ipinalagay kong ang pagtula ay paghabi lamang ng buhangin. Wala itong kinalaman sa realidad. Malabis kong binigyang-pansin ang personal kong kalayaan nang walang iniisip na anumang pananagutan. Nang walang pagpapakumbaba maging sa uring anakpawis na aking pinagmulan.

Ngayon, napatunayan kong hindi kalayaan ang gayon kundi layaw at kahungkagan. Wala itong kinauwian kundi pagkaligaw at kapalaluan. Wala itong ipinupundar kundi mga tulang walang kawawaan at nagbubuhos lamang ng asido sa nagnanaknak na bituka ng taumbayan.

Napakalakas noon ng hatak sa akin ng pagkamakasarili. Wala akong kapiling kundi ang aking mga libro at tula. Wala akong pakialam. Tanging sariling panagangailangan ang aking nararamdaman at tinutugunan.

Itinakwil ko ang pananagutan sa sambayanan, tinalikuran ng aking tula ang tao at lipunan. Sa ganitong pagtatakwil, pinasabog ko ang mga tulay at sinunog ko ang mga barko (Ortega 663) na magagamit ko sana upang higit kong maunawaan ang aking sarili at kapaligiran.

Pumaimbulog ako at nagpapakatayog-tayog at nagpakalalim-lalim. Labis kong pinagtuunan ang sarili at aroganteng ipinagdiinan na walang ibang realidad kundi ang salita. Itinuring kong hadlang sa aking pamamayagpag ang lahat ng bagay na may kinalaman sa tao. Malinaw na inilalarawan ni Jose Gasset Ortega ang ganitong turing sa pagtula: “Poetry has to be disencumbered. Laden with human matter it was dragging along, skirting the ground and bumping into trees and house tops like a deflated balloon” (669).

Nanguyakoy ako sa aking toreng-garing, ginugol ko ang aking lakas at panahon sa pakikipag-usap sa sarili. Hanggang hindi ko na rin maintindihan, o masakyan ang sarili kong mga tula. “Pumpon na lamang ito ng mga salita”. Wala akong pakialam noon kung maintindihan ako o hindi. Ang importante’y maibuga ko ang aking niloloob. Tingnan ang dalawang halimbawa: dila ng kandila

a
lak ang
s a li ta n g
n i l a la g o k
ng ak i n g
mga mata
at uta
k
bumuntong-
h i n inga ang
hangin sumayaw
ang pa ru parong
k u r ti na na sa
p a gkampay ay
agad s i n a g p a n g
n g n a b u l a b o g
na dila ng k a n d i l a.


l
u
ha
mula
sa pusod
ng gumagaod
na buwan tumalon
ako at nakipagsayaw
sa mga damo
habang yakap ko
nang buong
higpit ang iyong
anino bumalong
ang aking
luha

Nalulukuban ako ng espiritu ng pagtinging sining para sa sining nang sulatin ko ang siniping mga tula. Gusto ko lamang noon na makagawa ng bagong hugis, maka-imbento ng sariling porma. Maaaring nagtagumpay ang dalawang tula sa ganitong layunin; pero dahil gusto ko ngang isangkot sa panlipunang pagbabago ang aking panulaan, hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili: Ano ngayon kung nakapag-drowing ako ng kandila o patak ng luha sa aking tula? Sapat na ba ito kahit halos ako na lamang ang nakakaintindi ng karanasan o kaisipang nakapaloob sa tula?

Anyo at Nilalaman

Sa pamamagitan ng panagot-laya, lalong tumining ang holistikong pagtingin ko sa tula. Humihina ang kakayahang makapambubuliglig at makapagpalaya ng tula kapag napabayaan ang alinman sa anyo at nilalaman nito. Ayon nga kay Jose Ma. Sison: “Ang husay sa pagsulat ay nangangailangan ng masining na imahinasyon. nakapaloob dito hindi lamang ang isip kundi ang natatanging kaisahan ng isip at damdamin; ng laman at ng anyo; ng paksa at estilo... (Ulos 79).

Hindi naging madali ang ganito para sa akin. Parang tukong hindi mapaknit-paknit ang pagkapit ko sa kinamihasnan kong pagtula – mapagsermon, kulang sa pagtitimpi, laging nakakuyom ang kamao, abstrakto, cerebral. Mga bagahe itong pamana ng paglulunoy ko sa teolohiya at pilosopiyang tiwalag sa komunidad at ng kinagisnan kong tulang-islogan. Talagang mas mahirap magtanggal ng dating alam kaysa mag-aral ng bago.

Minsan naman, sa kagustuhan kong makagawa ng bago o makahulagpos sa kinagawian, sobra-sobra naman ang nagiging pihit ng aking tula. Hindi na mapigurahan dahil sa wala nang kawawaan ang paglalaro ng salita, ang eksperimentasyon.

Napakahirap magbalanse; sa isang saglit na makaligtaang magmatyag, nahuhulog ako sa alinman sa dalawang nabanggit na “bitag.” Naranasan ko halimbawa ang sinasabi ni Seamus Heaney tungkol sa panganib na maaaring kabuliran ng makata: pagturing sa tula bilang nagsasariling entidad. Ani Heaney: “to redress poetry as poetry, to set it up as its own category, an eminence established and a pressure exercised by distinctly linguistic means” (5 at 6).

Pagtula at Pakikisangkot

Pero dahil gusto kong mambuliglig, gusto kong lumaya at magpalaya, patuloy akong nagsisikap na patalasin ang aking pagtula. At bahagi nito ang pagpapakahusay ko sa panlipunang pakikisangkot. Mahirap magpatalas ng tula nang tiwalag sa sambayanan. Naniniwala akong totoo rin sa isang makata ang sinasabi ni Raya Dunayevskaya:

Leaders are not classless creatures floating between heaven and earth. They are very much earth men. When they lose close connection with the working class, they begin to represent the only other fundamental class in society – the capitalist class (208).

Kaya kasabay ng pagsusunog ko ng kilay sa sining ng pagtula, walang sawa ko ring pinag-aaralan ang lipunan at kasaysayan. Walang sawa akong nakikipamuhay at nakikipagkapit-bisig sa uring aking pinagmulan.

Bahagi ng ganitong pag-aaral ang kahandaang buligligin ang sarili. Kung wala nito, pupurol ang kapangyarihan ng tula na buligligin ang lipunan. Nang simulan kong kuwestyunin ang aking sarili, unti-unting nabasag ang aking pagiging kampante, ang pikit-mata kong pagyakap sa kinagisnan, ang katamaran kong busisiin ang kinamihasnan, ang karuwagan kong manalamin. Itinulak ako nito upang hanapin at pagitawin ang sariling tinig, tinig na inaapuhap ko pa rin hanggang ngayon.

Inaasahan kong masusumpungan ko ito sa patuloy kong pag-usisa sa aking paniniwala at paninindigan, sa pagtingin ko sa lipunan, sa paraan ko ng pakikisangkot, sa aking pagtula.

Panagot-laya kong itutok ang aking pambubuliglig sa lipunan, sa tula, at sa sarili. Mahirap maging kampante at magkasya na lamang sa kinahiratihan. Napakalakas ng batak sa taumbayan ng sining na nangingibabaw ngayon sa ating bansa. Malinaw itong ipinahahayag ni Ernst Fischer:

What is alarming in the capitalist world is not ‘formalism’, not abstract paintings or poems, not serial music or the anti-novel. The real and terrible danger lies in the highly concrete, down-to-earth, ‘realistic’ if you will, productions of idiotic films and comics, commodities for the promotion of stupidity, viciousness, and crime (496).

Alam kong ang pagharap sa ganitong problema ay hindi lamang pasanin ng tula pero malaki ang magagawa nito sa paghahain ng kapaki-pakinabang na panitikan sa taumbayan. Hindi ito simpleng usapin ng panggagaya sa kung ano ang patok o ng pagpapasimple o pagpapagaan. Mainam kung ang ganitong panggagaya at pagpapagaan ay makatutulong sa taumbayan na maintindihan ang kompleksidad ng kanilang sitwasyon. Pero paano kung sa kapapagaan ay mahirati na sila sa magaan at atrasan na nila ang pagharap sa bigat at salimuot ng realidad? Wala pa rin akong malinaw na sagot sa tanong kong ito.

Pagpapakumbaba

Sa aking karanasan, nakatulong nang malaki sa pagtatanong at pagsagot ko sa aking mga tanong ang pagpapakumbaba. Napakahirap magpakumbaba. Andami kong pinag-aralan, antagal kong nag-aral, bakit ako makikinig sa isang taong hindi man lamang nakatuntong ng eskuwelahan? Matagal kong kinalaban ang ganitong gawi. Mahabang proseso pa ng pakikinig, pakikipamuhay sa taumbayan, at pakikipagbuno sa sarili ang aking pagdadaanan bago ko maiintindihan ang kahulugan ng karunungan, ng salitang “mula sa masa tungo sa masa”. At tone-toneladang kanin pa ang aking kakainin bago ko ito ganap na maisabuhay.

Sa mahigit na dalawang dekada ng aking pakikisangkot at pagtula, napatunayan kong hindi pa tapos ang sagot sa mga suliranin ng ating bansa, at marahil ay hindi pa naitatanong ang lahat ng dapat itanong. Napatunayan ko ang masakit na katotohanang wala pala sa akin ang sagot ng mga katanungang ipinalagay kong malinaw ko nang naipaliwanag sa mga taong nakasalamuha ko. Napatunayan kong mas marami akong matututuhan kaysa maituturo sa mga taong hindi man lamang nakabasa o kailanma’y hindi na makababasa ng mga teoryang pinagsunugan ko ng kilay.

Habang sinusulat ko ang sanaysay na ito, alam kong maraming lipaking kamay ang bumubuklat ng mga romansang nobela, komiks, at tabloyd; alam kong milyong tainga ng anakpawis ang nakatutok sa mga dula o awiting pangradyo; alam kong milyong mata ang nakatuon sa mga melodramang pantelebisyon.

Samantala, dalawang dekada nang inaamag ang aking mga tula – ni isa’y walang nakarating sa mga magbubukid, ang uring aking pinagmulan. At isinumpa kong paglilingkuran.

Mga Sanggunian

Almario, V. S. Balagtasismo versus modernismo: Panulaang Tagalog sa ika-20 siglo. Quezon City: Ateneo de Manila Press, 1984.

Dunayevskaya, R. Marxism and freedom. London: Pluto Press, 1971.

Eagleton, T. Literary Theory: An Introduction. USA: The Universtiy of Minnesota Press, 1996.

Gasset J. O. “Dehumanization in modern art.” A world of ideas: Essential readings for college writers . 3rd ed. Ed. L. A. Jacobus. USA: St. Martin Press, 1990. 655-672.

Heaney, S. The redress of poetry: Oxford lectures. London & Boston: faber and faber, 1995.

Langer, S. K. Philosophy in a new key: A study in the symbolism of reason, rite, and art. New York at Toronto: The New American Library, 1951.

Lopez, S. P. “Ang panitikan at lipunan.” (Salin ni F. Garcia). Ang Ating Panitikan. Eds. Cruz, I. at Reyes, S. Quezon City: Goodwill, 1992. 242.

San Juan, E. Jr. The radical tradition in Philippine literature. Quezon City: Manlapaz Publishing Co., 1971.

Selden, R. (1985). A reader’s guide to contemporary literary theory. Kentucky: University Press of Kentucky.

Sison, J. M. “Panitikan at paninindigan”. Ulos . Agosto (1999): 77-82.

Torres-Yu, R. ed. Panitikan at Kritisismo. Caloocan City: R. Torres-Yu at NBS, 1980.

Willet, J at Manheim, R, eds. Bertolt Brecht poems:1913-1956. Great Britain: Methuen, 1987.

(Antolohiya)

Craig, D, ed. Marxists on Literature: An Anthology. Great Britain: Penguin Books, 1975.

(Mga Artikulong nasa Antolohiya)

Adereth, M. “What is littérature engagee?” Craig 445-485.

Fischer, E. “The loss and discovery of reality.” Craig 486-513.

Serge, V. “The writer’s conscience.” Craig 435-444.

Trotsky, L. “The formalist school of poetry and marxism.” Craig 363-379.



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC