Artist Club
Larong Sigay
(by Elito V. Circa  12/6/2008)

Sigay; kalimitang makukuha sa sapa ng Pantabangan noong hindi pa ito pinapalubog para gawing dambuhalang dam. Pagdadala o panghuhuli ng isda at pangunguha ng mga suso (snails) ang pangalawang hanap-buhay noon liban sa pagsasaka. Sa ganitong paghahanap-buhay kalimitan kasama ang mga anak kahit saan makarating sa panghuhuli. Habang nanghuhuli ng isda o kumukuha ng suso ang magulang ang mga anak naman ay nangunguha ng mga kabibeng maliliit o sigay kung tawagin, ito ang ginagamit nila sa paglalaro.

Kalimitan mga babae ang gustong maglaro nito. Bawat bata na may dalang sigay ay sumasali sa larong ito. Sinisimulan ito sa pamamagitan ng paghihilera ng sigay sa isang malinis at patag na kalupaan sa layo na dalawang (2) metro mula sa simulang linya o sa linya ng mga susulong, bawat isang bata ay maglalagay ng sigay na nakalinyang pahaba. Sa unahan ng nakalinyang mga sigay makikita ang isang nakatihaya na sigay, palatandaan ito na pinaka ulo o unahan ng nakalinyang mga sigay.

Sinisimulan ito sa pamamagitan pa rin ng paremanuhan sa paraang pagkakalog sa palad ng mga sigay na pamato ng bawat maglalaro. Kinakailangan na tumihaya ang sigay na nasa palad upang manalo sa paremanuhan, bawat tumihaya ay tatangalin na sa palad, inuulit-ulit ito hanggang maubos ang nasa palad, dito malalaman ang pagkakasunod-sunod ng mga susulong sa laro.

Ilalagay ng unang titira o susulong ang sigay sa simulang linya upang pitikin (pakiring) at patamain sa mga nakahilerang mga sigay. Sa pagpitik dito, kung halimbawa na tumama sa panglimang sigay mula sa unahan na may nakatihayang sigay magiging sa kanya na ang lahat ng sigay mula sa panglimang sigay hanggang sa hulihan. Kung hindi ito SAKA o tumama mananatili ang kayang sigay kung saan ito huminto. Susulong ang mga susunod na maglalaro hanggang bamalik sa kanya ang sulong. Uulit ulitin ito hanggang makalimang sulong. Kapag hindi naubos ng sigay sa linya mapupunta ito sa maglalaro na wala nang sigay o tinatawag na SIGOD.

Sa mga naubusan na ng sigay nagiging sigod na siya o naghihintay ng may matitira sa mga sigay na nasa linya na hindi tinamaan.





See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC