Artist Club
Pakikibaka at mga alaala (part 2)
(by Teresa Salas Danao  6/21/2007)

Halos malahigante ang mga hakbang na tinatahak ng aking mga paa, tumatagaktak ang pawis na namumuo sa aking mukha… Napakatinding init ang mararamadam pagsapit ng tanghali dito sa Dubai. Sumasagitsit sa aking balat ang init, napakahapdi at tila ba malalapnos, pakiramdaman ko ay parang nasa tabi ng pugon. Pauwi na ako, naglalakad...patungong bus stop…

Naalala ko ang tinubuang lupa. Tandang-tanda ko pa nung nene pa ako at nag-aaral sa elmentarya… sunong-sunong ko ang bilaong may lamang banana-que na niluluto ni mama habang kasabay ko siyang naglalakad at may hawak siyang papelito (maliit na papel) ng huweteng. Habang tatanungin niya ang kanyang mga kumare at kakilala kung tataya o pupusta sa huweteng, itatanong ko naman kung gusto nila ng banana-que sa halagang piso. Matindi ang sikat ng araw at sa murang isipan ay sasabhin mo sa iyong sarili ''aahhh, ayoko ng ganito''.

Kadalasan ang tawag sa aming magkakapatid ay ''anak ng huweteng''. Sa isang banda totoo nga naman na anak kami ng nagkukubra ng huweteng. Ilang taon rin na nagkaroon ako at aking mga kapatid ng bagong sapatos, damit at fried chicken na hapunan dahil sa huweteng. Wala sa konsepto ng aking murang kaisipan na ito ay isang uri sugal. Sabi ng nanay ko, ang ate ko daw ang pampaswerte niya sa huweteng dahil sa paggising ni ate mula sa mahimbing na pagkatulog, magpapakwento si mama ng panaginip ni ate upang makaimbento ng numerong tatayan sa huweteng. Tingin ko nga imbento lang din ni ate yun pero pagkatapos nun, PANALO! Isang masaganang hapunan na naman.

Bakit ba napunta sa huweteng ang aking punto dibista…ang alam kong aking sinasalaysay ay ang mainit na Dubai. Ilang buwan na nga ba ako sa Dubai? Isa…dalawa…tatlo….tatlong buwan at dalawaput limang araw…Tatlong buwang mahigit nakong nagtitis. Eh, bakit ba ako nagtitiis sa mainit na Dubai eh kung tutuusin pwede namang hindi. Hayyy, buhay…

Naalala ko noon nung may isang gabing nagkausap kami ng mahal kong kuya. Madami kaming napagkuwentuhan ngunit sa lahat ng namutawi sa bibig niya, ito lng ang aking natandaan, ''Bing kailangang i-uplift naman natin ang buhay natin, dapat may attitude tayong kailangan nating umangat''. Ibig niyang sabihin kailangang umasenso. Paano nga ba umasenso? Sa di-maladayalektikong pagpapaliwanag kung paano umasenso, una, kailangang makapag-aral, pangalawa makahanap ng trabaho at pangatlo kumita ng pera. At hindi basta kumita ng pera kundi kumita ng malaki o kaya sapat na pera para matugunan ang pangangailangan. Ang sapat na pera ba ay kikitain mo sa tinubuang lupa? Sa mala-pilosopiyang kasagutan ito ay oo at hindi. Bahala ka na kung pa'no mo to bibigyan ng paliwanag, basta ang alam kong pagpapaliwang dito ay mula sa kasabihang ''beauty is relative''. Sa di inaasahang pagkakaton si kuya ay nakapangibang bansa at sa di inaasahang pagkakaton ako man ay nakarating ng dubai daladala ang pangako sa sarili na kailangang kumita ng sapat na pera.

''KABAYAN, ikaw na lang ang humusga o magisip kaya sa kasagutan ng tanong na iyan.'' Lingid sa kaalalamn ng iba, hindi lahat ay nakahiga sa pera. Nakakalungkot na di rin mabilang ng aking daliri ang mga Pilipino na kapit sa patalim or may ibang klaseng ''sideline'' para may extra income. O kaya naman makikipagrelasyon kay pana o patan para malibre ng grocery. Ayoko ko na ngang i-elaborate sumasakit ang diddib ko kapg naiisip ko sila.

Naalala ko tuloy 'tong mga Indianong construction worker dito sa Dubai. Pano kaya sila nakakatagal sa napakatinding sikat ng araw. Wala akong ideya kung malaki ang kinikita nila kapalit ng mga hinala ko at namumuong ideya na di kaya magkasakit sa balat tong mga 'to sa sobrang pagka-expose ng kanilang balat sa araw? Ewan. Pero ang mahalaga sa kanila ay makapagpadala sa pera sa kani-kanilang pamilya sa India. Samantalang ako, heto pasulat sulat nanaman sa naka-aircon na opisinang tanging kumakausap sakin ay ang monitor, printer, telepono at water dispenser. Wala kasi ang amo kong Omani, nagpunta ng Saudi Arabia. Kelan nanaman kaya ang balik niya? Ako pa na yata ang natatanging sekretarya na di alam ang whereabouts ng boss. Malay ko ba sasbihan niya lang ako na pupunta ako ng sa ganito…ganyan…tapos yun lang di ko alam kung babalik pa ba o hindi na o kung kelan naman kaya ang balik niya.

Naalala ko nung kolehiyo pa ako, may mga organisadong grupo ng mga estudyante sa aming kolehiyo na sabay sabay na sumisigaw ng ''Huwag matakot, makibaka!''…paulit ulit!

Naiisip ko tuloy ito bang Dubai ay pakikibaka? KABAYAN, ikaw nga ang sumagot nito.



See more Articles
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC