Artist Club
PINOY KA NGA!
(by napcacosta  1/1/2006)

Pinoy ka nga kung.....mahilig kang magreklamo sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo at sa lahat ng nasa paligid mo.......Kung hindi ka mapakali sa bago mong cellphone at gusto mong ikaw palagi ang may latest model......Kung kabisado mo na ang keypad ng cellphone mo sa kapipindot mo sa tuwing ikaw ay magti-text......Kung ang lahat ng gamit mo ay puro imported at tate, kahit ang sinusweldo mo lang ay kulang pa para makabili ng ganung mga bagay, p'wede naman ang hulugan......Kung ayaw mong bumuli ng produktong Pinoy kasi alam mong ginaya lang ito at mababa ang kalidad.....Kung hindi ka paswelduhin sa tuwing sasapit ang kinsenas at katapusan ng buwan ay magra-rally na at hindi ka na papasok....pero kung kakaltasan ka sa s'weldo mo ng hindi mo pagpasok ay sasama pa ang loob mo at magrereklamo......Kung magbabayad ka ng buwis sa gobyerno ay pilit mong pinapababa ang totoong kinikita mo para maliit lang din ang babayaran mong buwis, dadayain mo pa nga na hangga't maaari ay ayaw mo ng magbayad, pero panay ang reklamo mo kung hindi maibigay ng gobyerno ang mga serbisyong para sa tao at kung kinukurakot ng mga tao sa gobyerno ang pondo nito, galit na galit tayo pero hindi ba natin naisip na katulad din natin sila......Panay ang sigaw natin sa kalsada ng pagbabago ang kailangan ng gobyerno at ng mga taong namumuno dito, pero hindi natin tinatanong ang ating mga sarili kung tayo ba'y handa ring magbago.....Galit na galit tayo sa mga namumuno sa pamahalaan......sa mga kawatang pulis.......sa mga makukupad na tao sa mga ahensya ng gobyerno......sa mabagal at magulong sistema.......sa mabagal na hustisya......... sa mga kurakot.......Hindi ba natin naiisip na katulad din natin sila? Hindi ko ikinakailang Pinoy ako, hindi ko ikinahihiya! Marami ng pagtatalo ang nagaganap, maraming mga komento, pagkutya, mga suhestiyon sa mga kaganapan sa ating bansa.

Paano ba makakaahon sa kahirapan ang ating bansa? Paano na nga ba tayong mga Pinoy? Parang kahirap isipin kung ano ba ang dapat gawin, dahil sa dami ng matatalinong tao sa ating bansa, hindi nila maisip ang solusyon sa ating mga problema, tayo pa kayang mga ordinaryong tao lamang, na ang tanging layunin ay maisalba ang ating mga pamilya sa pang-araw-araw ng pangangailangan, paano kung ang ating bansa na ang kailangang isalba sa kumunoy ng kahirapan? May maisip kaya tayong paraan? Nakakalungkot mang isipin na tayo na ang isa sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo. Pero tayo rin ang isa sa matatalinong tao o isa sa may matataas na pinag-aralan at edukasyon. Humugit kumulang sa walungpung porsiyento ng ating populasyon ay may pinag-aralan, ilang porsyento lang ang wala. Maraming mga dayuhang sa atin pa nga nagsisipag-aral. Akalain ba nating sa atin sila natututo ngunit mas mahirap pa tayo sa kanilang bansang pinanggalingan. Maabilidad daw tayong mga Pinoy, maparaan, pero bakit hindi natin magamit ang ating mga abilidad at paraan para maiahon ang ating bansang naghihirap? Ano nga ba ang kulang sa ating mga Pilipino? Napakahirap kasi para sa atin na tanggapin ang ating mga pagkukulang at pagkakamali, ayaw nating pinapansin tayo sa mga mali nating gawa, ayaw nating itinatama, ayaw nating natatapakan ang ating mga ego. Kung ating iisa-isahin ang ating mga pagkakamali, kulang ang haba ng EDSA para isulat ang lahat ng ito. Huwag nating isisi sa iba ang ating kahirapan, ang ating pagkakamali at pagkukulang. Tayo ang dahilan ng ating paghihirap, kulang tayo ng disiplina sa sarili. Kulang sa disiplina ang mga taong namumuno sa atin. Nakakapagtakang isipin na kung tayo'y nasa ibang bansa ay para tayong maamong tupang sunud-sunuran sa mga batas ng bansang ating kinalalagyan, ngunit kapag nasa Pilipinas tayo, hindi nating magawang sumunod sa batas ng sarili nating pamahalaan.

Galit na galit tayo sa mangongotong na pulis, pero kapag hinuli tayo sa pagkakamali natin ay tayo na rin ang nagbibigay ng ''suhol'' para lang makaiwas sa kasong kinakaharap. Kung sino pa yung hindi naman sumusunod sa batas siya pa ang mareklamo, hindi nagbabayad ng buwis pero panay ang reklamo sa serbisyo ng pamahalaan, panay ang rally sa kalsada at hingi ng tulong sa gobyerno at mga pulitiko. At kung hindi mabigyan ng tulong ay gagawa na lang ng krimen upang mabigyang pansin ng ilang organisasyong na nangangalaga sa karapatang pantao. Ito ba ang maitutulong natin sa ating bayan, ang maging pabigat? Tayo na rin ang gumagawa ng sarili nating problema at sa iba natin ihahanap ng solusyon. At kung hindi tayo matulungan ay sasama pa ang loob natin at kung anu-ano ang ating sasabihin.

Harapin natin ang problema, tanggapin ang katotohanan. Huwag nating paghariin ang inggit sa ating mga sarili, matuto tayong makuntento sa kung ano ang nasa atin, at matutunan natin itong pagyamanin. Marami tayong naiisip na paraan para umunlad ang ating bayan, ang ating sariling pamilya, ngunit hindi natin maisakatuparan dahil sa bunsod ng katamaran at kawalan ng pakialam.

Pilipino ka, 'di ba kahit hindi ka turuan ay madali kang matuto? 'Di ba madali lang sa iyo ang trabaho, ang bilis mo pa ngang magtrabaho! Ang sabi mo pa nga, isang Pilipino katumbas nito ang limang Indiano sa pagtatrabaho! Ipinagmamalaki mo pa ngang asset ka ng kumpanya n'yo. Pero ang sinasabihan natin ng mga ''walang utak'', ''tikling'' at kung anu-ano, bakit para yatang mas asensado pa ang kanilang bansa kaysa sa atin? Ah, siguro dahil wala silang corrupt na pinuno ng gobyerno. Hindi natin dapat isisi ang lahat sa ating gobyerno. Pansinin n'yo ang mga lahing ito, kaya nilang tumagal sa ibang bansa ng ilang taon sa simpleng buhay lang. Walang magarang damit, walang mamahaling cellphone, walang mamahaling sasakyan, walang utang. Ayos na sa kanila ang murang pagkain. Ngunit kung tatanungin natin ang kanilang mga baul, magugulat ka sa laki ng kanilang ipon. Maliliit nga ang kanilang mga sahod ngunit ang maliit kung iipunin ay lalaki. 'Yon ang kulang sa ating mga Pilipino, kulang tayo sa disiplina sa ating mga sarili. Sa kagustuhan nating hindi mahuli sa uso o lakad ng panahon, kahit hindi natin kaya, pinipilit natin kahit na nasasakripisyo ang ating mga dapat ipuning kita.

Aaminin ko, pinagsisihan ko rin ang mga panahon at perang sinayang ko. Ngunit mahaba pa ang panahon, marami pang pagkakataong makabawi, kaya pang umahon. Tulad ng ating bansa, na kung ating pagtutulung-tulungan ay makakaya pa nating iahon ito sa kumunoy ng kahirapan. Tulungan natin ang ating sarili, ang ating kapwa, sa ganung paraan ay makakatulong tayo sa ating bansa. 'Wag tayong umasa sa mga namumuno sa ating pamahalaan para sa ating mga sarili, bagkus hayaan natin silang tupdin ang kanilang mga responsibilidad sa bayan at sa kanilang mga sarili.

Malala na ang sakit ng ating bayan, animo isang kanser na halos wala ng kagamutan. Isa na lang ang nakikita kong paraan upang maahon tayo sa hirap, ang pagbabalik loob natin sa Poong Maykapal, na ating nalimutan. Sa paghingi natin ng kapatawaran sa ating mga nagawang pagkukulang at muling pagbalik sa Kanya ay magbibigay kasagutan sa lahat ng ating mga alalahanin. Kapansin-pansin sa ating bansa ang pagsulpot ng kung anu-anong kulto at pananampalatayang lihis sa itinuturo ng banal na kasulatan. Iba't-ibang paniniwala, tradisyon at ritwal. Sa paghahanap natin ng agarang solusyon sa ating mga problema at kahirapan, umaasa tayo sa kung anong himala ang magagawa sa atin ng pananampalatayang ating sinasamahan.

Ngunit hindi natin alam ang nagiging resulta ng ganitong paglapastangan sa katuruan ng banal na aklat na kung saan walang ibang Diyos ang dapat nating sambahin. Sa kasalukuyang panahon, marami tayong dinidiyos sa ating buhay. Una na rito ang kapangyarihan o posisyong pulitikal na nagiging sandigan ng tao upang makaahon sa hirap at makasamsam ng kayamanang hindi naman sa kanya. Sanhi din ito ng krimen at katiwalian. Sa kagustuhan nilang maupo sa pwesto ay gagawin ang lahat ng paraan upang manalo sa halalan, kahit ang pumatay ng kapwa. At kapag naupo na sa kapangyarihan, duon na sisimulan ang katiwalian, nakawin ang pondong inilalaan ng gobyerno sa kanilang departamento. Ikalawa, ang katanyagan, sa larangan man ng pulitika o napiling propesyon. Nagiging sanhi ito ng pagiging sakim ng isang tao at pagtingin sa sarili bilang katulad na rin ng Diyos. Ang sarili lang ang iniisip. Pangatlo, ang pera o kayamanan, na siyang ugat ng lahat ng kasamaan dito sa mundo.

Pinoy ka, Pinoy ako, Pinoy tayo! Kung pagtutulungan lang natin ito, kaya nating malampasan ang mga ganitong problema. Gumising na tayo!



See more Opinion
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC