Artist Club
Buhay sa Lunsod (kabanata 5)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Buong buo ang pananabik habang naglalakbay. Sa muling pagbubukas ng puso't isipan sa panibagong masasaksihan at matututunan, sa panandaliang pamamaalam sa magulo at maduming kapaligiran. Gusto kong tumakas sa paikot-ikot na takbo ng buhay.

Gigising sa umaga, papasok sa trabaho, makikipagbuno sa salasalansang bakal at bulto-bultong semento. Makikipag-biruan, makikipag-lokohan sa mga manggagawa habang nagtatrabaho. Kapag wala ng magawa babalik sa 3rd Flr., sa opisina, sasabak sa pinaka mahirap na parte ng trabaho, ang tumingala sa kisame at yumuko sa silong ng mesa, habang nagmumuni-muni, mag-iisip ng magagawa pero talagang wala. Dahil ang report sa buong araw isang minuto lang magagawa, kaya sa buong isang buwan tatlumpong minuto lang ang nakalaan.

Alas onse pa lang ng tanghali, lunch break na, dahil sa 12:00 to 1:00 unaunahan sa 4th Flr, sa tong-itan. Kapag di pa nasiyahan, magtutuloy pa ng isa hanggang dalawang oras, lalo't kapag walang nagbabatas. Panlaban lang ba sa pagkainip, sa.…..pagmumuni-muni ng ibat-ibang bagay, sa kisame at silong ng mesa.

Pagsapit ng alas-singko... kakaunti na lang ang natitira sa mga kasama ko, dahil bago pa lang dumating ang oras ng uwian, umuusok na ang bankuan at pagdaka'y biglang maglalaho. Pero h'wag ka't 'pag gawaan na ng time sheet 12:00 MN pa ang inilalagay na time out. Kung minsan nakakakonsensiya. Pero wala kang magagawa dahil yoon ang kalakaran.

Pag labas sa opisina una-unahan sa pagsakay sa bus, babae, lalake: siksikan, bunguan, sikuhan. Kapag-aandar na kailangang itaas ang kamay, hahawak kung saan maymakakapitan. Kapag sinusuwerte ka pa matatagpuan mo ang katabing halos ayaw pasaling at titingin pa na nanlilisik ang mata, gayung siksikan naman talaga.

Sari-saring amoy, halo-halo, nakakahilo. Lalo na ang napakabagal at pabiglabiglang preno ng sasakyan dahil sa matinding trapik. Pagkalipas ng mahigit isang oras, Farmers, Cubao na. Bibili ng isang istik na sigarilyo para sa isang daang metrong lalakarin, na ubod ng tulin. Kasing tulin ng paghitit ng sigarilyo habang sinisinghot ang maiitim na usok ng mga sasakyan. patuloy ang paghitit habang nag-aabang ng Jeep patungong España. Pagdating ng Jeep kahit hindi pa ubos ang sigarilyo itatapon ko na dahil hindi ko naman talaga bisyo ang manigarilyo at siyempre ayoko ding maramdaman ang pagkairita ng katabi ko habang nilalanghap ang usok mula sa sigarilyo, dahil ito rin ang nararamdaman ko kapag binubugahan ako ng usok ng bawat makakatabi ko. Tatlong bagay lang ang dahilan kapag nakita mo akong nagsisigarilyo. Una…kapag nag-iisip ako ng malalim, ikalawa….kapag naiinip ako at ikatlo….kapag umiinom ako.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC