Artist Club
Kultura (kabanata 2)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

‘Ang kultura ay ang sistema ng buhay na kinagisnan natin at ng ating mga ninuno’. Ito ang karaniwan nating isinasambit.

‘Tama, subalit alam ba natin na kultura din ang tawag sa kasalukuyang sistema ng pamumuhay natin sa ngayon na siya rin nating nakagisnan.

Bilang isang Pilipino, ano kaya ang dapat nating pagpahalagahan?.

Nararamdaman ba natin na tayo ay nabibihag na ng kulturang banyaga. At tuluyan na tayong nakakalimot sa Kultura na kinagisnan pa ng ating mga ninuno.

Naalala ko, noong bata pa ako lubos kong pinananabikan ang pagdagsa ng mansanas tuwing pasko. at sa tuwing mangangarap ako pagdating ng tag-ulan…. snow naman sana ang bumagsak, sigurado English speaking lahat: tatalino ang mga tao, dahil nakatanim sa isipan natin na kapag mahusay kang mag-Ingles...matalino ka na. At ganito rin kababaw ang nagiging basihan natin sa katalinuhan ng isang tao. Kaya kapag nakaharap na natin ang isang tao na mahusay mag-ingles. Para bang tumutulo na ang laway natin at hahangaan siya hanggang buto. Kaya ba sa tuwing mag-aapply tayo ng trabaho o papasok sa isang interview, Kailangan pa nating mag-review ng Ingles para maipakita lang sa kanila na may kakayahan tayo.

Tatangos ang ilong ko, puputi ako. Isang pangarap na nakapagtataka, dahil mula sa kamusmusan ay tanyag na tanyag na. Siguro dahil ito ang unang alpabeto na natutunan ko sa klase...’A-aple, S-snow’ sa tagalog naman, pagdating sa... ‘Ma-mansanas’ na naman.

Dahil sa pagkakasakop sa atin ng bansang España at Hapon at ng Amerika na siyang nagmistulang bayani sa atin na nagbigay ng ating kalayaan. Ang bansang Amerika din ang inakala nating pinagkakautangan natin ng loob, sa pagbibigay ng edukasyon natin. Pero wala tayong kamalaymalay, na isa pala itong patibong para lubos nating tangkilikin ang lahat ng sumosobrang produkto nila na nagiging sanhi ng pagbagsak ng kanilang ekonomiya. ‘Recession Period’ ang tawag nila dito, ibig sabihin gawa lang sila ng gawa ng mga produkto na sumosobra na sa pangangailangan ng bansa nila. At maaring maging sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya nila. Sa halip na mabulok at di-mapakinabangan, kailangang itapon sa mga mahihirap na bansa na kontrolado nila, tulad ng Pilipinas.

Hanggang ngayon, bihag nila tayo, dahil ang kaisipan natin ay natatali sa kanila at dahil sa burgistang kaisipan na kapag ‘State Side’ ang kagamitan at isinusuot mo ay angat ka na sa iba at s'yemre kapag ‘Levis’ ang suot mo, mas guwapo ka o mas mganda kaysa sa iba.

Sa pamamagitan nito, wala tayog kamalaymalay, hindi na pala natin nabibigyan ng pagpapahalaga ang kalayaan na pinaghirapan ng ating mga ninuno na pinagbuhusan ng kanilang dugo para lang maialay sa atin ang isang kalayaan na minimithi nila, isang kalayaan na walang nagdidikta at walang kumukundina sa karapatan ng bawat isa.

Marahil, isa na rin ito sa dahilan kung bakit bumabagsak ang ekonomiya ng bansa natin, dahil tayo mismo ay walang tiwala sa sarili nating produkto. Kaya siguro walang kapitalista na naglalakas ng loob na magpakilala ng produkto na ‘gawa sa atin’. Bagkus ay nagkukunwari pa na Made in USA ang produkto nila kahit dito ginawa.

Buong pagmamalaki tayong naglalakad sa kalsada na parang nag-mamartsa para mapansin ng iba na Made in Italy ang sapatos na suot natin, na kahit sa Marikina lang ginawa, binili ng taga ibang bansa at nilagyan lang nila ng itiketa at handa naman nating bilhin sa masmataas na halaga.’

Patuloy nating hinahangaan at pinapangarap ang matulad sa kilos at gawi ng mga banyaga at ang lubos na pagtangkilik hindi lang sa mga produkto nila kundi pati na rin sa kanilang kultura.




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC