Artist Club
MAY PATAY TAYONG INIIYAKAN
(by Emmanuel V. Dumlao  7/29/2007)

Tuwing mabubuo ang ating angkan
kulang na tayo ng isa; at ang kaanak na tagapagtipon
hindi na natin nakakaumpukan.

Ligtas na ang kanyang balikat sa bigat ng puyat,
hindi na rin lalatay sa kanyang palad ang hagupit
ng pananagutang bitbit ng lamay at libing.

Oo, pinagtatagpo tayo ng mga patay:
ni lolo, ni lola, ni kuya, ni uncle, ni auntie,
ni insan. Sa bawat pagtitipon, umiiyak
ang ating mga pitaka at bituka.

Kailangan pa bang ungkatin?
Likaw-likaw ang listahan ng utang ng bawat isa,
lalo nat bumabawi tayo sa mga hindi natin naibigay
noong buhay pa ang kaanak na pinaglalamayan

Disente dapat ang kabaong. Kailangang walang patid
ang daloy ng kape, sigarilyo, butong-pakwan, kendi,
at biskwit.

Magdamag na tutugtog ang arkiladong banda
sa bisperas ng libing.

Kailangan pa bang ungkatin?
Lumuluha tayo pero hindi na gaano sa pagkawala
ng kadugo. Sanay na tayo sa ganito. Mas nakakaiyak
ang kawalang kanya-kanya nating ibubuno
sa ating paghihiwa-hiwalay.

Mabuti na lamang at hindi nakakahiyang umiyak.
Mangilid man o tuluyang umagos ang ating luha
dahil sa santambak na gastusin, sinong makakahalata
sa tunay na bukal ng ating pagluluksa?

May patay tayong iniiyakan.




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC