Artist Club
Pelikulang Pilipino (kabanata 4)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Malaking bahagi ng pagkabata ko ang sinehan, dito kasi nagtatrabaho ang tatay ko. Palagi niya kong sinasama, kaya naging laruan ko nalang ang halos lahat ng sulok nito. Ang Rose Theter isang sinehan malapit sa simbahan ng katoliko sa bayan ng San Jose, kung saan ako isinilang

Mula pa sa aking pagkabata, para bang bahagi na lang ng buhay ko ang panonood ng sine. Dahil projectionist ang tatay ko sa sinehan kaya labas-masok lang kami dito. Tatlo ang sinehan sa lugar namin, Isa lang ang nagmamay-ari ng dalawang sinehan, ang Rose at Viva, Theater.

Sa Viva puro Ingles ang palabas at sa Rose naman puro Tagalog. Dito makikita mo na kung ano talaga ang hilig ng tao. Mas maraming nanonood sa Ingles kaysa sa Tagalog lalo na yung mga sinasabi nilang edukado daw dahil siguro nakakaintindi ng Ingles at marahil na rin sa talagang mas-maganda ang Pilikula nila.

O hindi kaya dahil sa mas sosyal ang feeling nila kapag dito sila nanonood. At dahil na rin siguro sa Isyu na ang mga nanonood lang sa kabilang sinehan ay ang mga korning taga-baryo. Ito ang karamihang pananaw ng mga taga-bayan sa amin at take note ayaw pa nilang manonood tuwing linggo dahil araw daw ito ng pagbaba sa bayan ng mga taga-baryo at ikinahihiya nila na mapagkamalan silang kabilang dito. Doon daw ba sa mga tagbabaon ng tanghalian sa loob ng sinehan at kadalasan pang suso ang ulam.

Pili lang ang mga Pilikulang Pilipino na pinapanood nila, siyempre kapag may pangalan ang artistang gumaganap.

Sa pilikula pa lang, makikita na natin ang ugali ng mga Pilipino. Mula sa gumagawa ng mga pelikula hanggang sa mga nanonood.

Sa mga gumagawa ng pelikula, pilit nilang ginagaya ang mga istorya ng mga pelikulang Ingles na pumapatok sa takilya. Maging sa pananamit, sa pagkilos at maging sa pananalita na kahit maging mukhang bakya o balat ng candy ang effects na ginagawa nila magaya lang nila ang istorya nito puwede na. Kaya na rin siguro hindi tinatangkilik ng karamihan ang pelikulang Pilipino.

Sa pagkakataong ito, puwede siguro natin sabihin na ang pelikulang pilipino ay isa sa matinding dahilan kung bakit patuloy tayong tumatangkilik sa kultura at produkto ng mga banyaga at nagpapabihag sa malakolonyal na kaisipan. Siguro, dahil isa na ito sa nagdadala ng matinding impluwensiya sa ikinikilos ng mga tao. At ang mga mahuhusay na artistang gumaganap dito ay ang mga hinahangaan at iniidilo natin.

Sa ngayon may mga, pelikula na rin na nagpapahalaga sa kulturang Pilipino, Buti nalang sa pagsapit ng Sentinaryo ng Kalayaan unti-unting nabigyan ng pagpapahalaga ang kulturang Pilipino at isanasapilikula na rin nila. Subalit hindi natin masisisi ang mga manonood na kaagad tangkilikin ang ganitong pelikula dahil sa natanim sa isipan ng bawat isa ang epekto ng mga dating pelikulang pilipino. Kailangan lang siguro ng tiyaga at pagpapakitang gilas ng mga gumagawa ng makabuluhang pelikula.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC