Artist Club
PARA SA IYO NA TRENTA ANYOS NA NANG UMIBIG
(by Wilfredo O. Pascual, Jr.  10/8/2006)

Itay, ako yata'y umiibig na.
Bawat paggising ko'y hahawiing telon,
nagtatanghal na umid ang dila at putol ang paa
sa mga nanonood na bakit iisa ang mukha,
siya.

Bakit wala itong pinag-iba sa mga tanong
sa puntod ni Inay? Tulad ng ano ba talaga
ang tamang timpla ng patis sa tinola? At sumalangit nawa,
kayhiwaga, pakpak ng paruparong nabubura,
ang sagot niya:

''Anak, ang aklat pala ni San Pedro ay listahan lamang
ng mga nawalang labada: ang pulang medyas
na sa Baguio mo pala naiwan. Napulot, binenta, hiniram
at naiwan na naman at mula Iloilo ay nakarating
sa Pangasinan.''

Ngayong ikatlong gabi ng bagyo
at ang baha sa sala'y gabinti, pasensiya na, Itay,
sa inyong pagdating, kung hindi ako nakapagsaing.
Sa bahay nama'y ako'y nakapagtulos na, sa wakas,
ng tatlumpong kandila.

Paano ba iyan, Itay?
Mahaba na ang listahan ng utang.
Nakangiti na ang buwan sa ilog at sa mata ng bagyo'y
inamba ko na ang sagwan. O puso! Sadyang di mapigil
magbangka saglit

para umawit.

http://personalwilli.blogspot.com/



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC