Artist Club
PAROPARO AT HARDINERO
(by Genoveva Circa Barcelo Regehr  11/26/2007)

Liliparin ko ang langit,
Maglalambitin ako sa ulap
at dadapo sa iyong hardin.


Paroparo akong naglalambing,
Umaaligid sa iyong mga tanim;
Hahalikan ko ang bawat talulot,
Sasamyuin ang bango,
Sisimsimin ang katas.


At sa aking galak, masuyong ipapagaspas
ang makulay kong mga pakpak,
sasayaw sa saliw ng hanging amihan.


Muli't muli kong babalikan ang iyong hardin,
Dadalawin, pupupugin ang iyong mga tanim
Na nagbibigay buhay sa akin.


Ngunit hayaan mo ring aking linisin
Ang lipak sa iyong mga kamay;
Hayaang bugahan ng tubig,
Hayaang aking haplusin.


Pagod mong katawan!
Aking aawitan,
Hayaang pawiin, bigat ng suliranin.


Pansamantala ang halimuyak ng mga bulaklak,
Na namumukadkad sa iyong hardin,
Pag dating ng bagyo, saglit lamang
at kapagdaka, tatangayin sila ng hangin.


Subalit ikaw, isang matapat na hardinero
Ang pagmamahal mo sa iyong hardin,
Di hamak na mas masamyo!
Kaysa sa mga bulaklak!
Na iyong itinanim.




See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC