Artist Club
Sa Unang Paglalakbay (kabanata 8)
(by Cesar M. Macalinao  5/5/2005)

Bukod sa pagbabahagi ng kaalaman. Isa pang kaligayahan ko ang maglakbay sa mga bundok at kagubatan. Kailangan ko kasing silayan ang napakagandang kalikasan na likha ng Panginoon.

Sa unang paglalakbay... Pantabangan, Nueva Ecija; Sumasama lang ako noon sa mga activity ng Nueva Ecija Historical and Arts Council (NEHCAC).

Pantabangan, Nueva Ecija, matatgpuan sa gawing Norte ng Nueva Ecija. Isa’t kalahating oras na biyahe mula sa Cabanatuan. Bayang pinalubog para lang makapagtayo ng isang malaking dam na magsu-supply ng kuryente at tubig sa mga karatig bayan nito. Isang itong bayan na may sariling alamat, sariling bokabularyo at himig ng pananalita. Dito makikita mo ang simpleng pamumuhay ng mga tao.

‘Punta tayo ng Pantabangan,’ Aya ni kuya Willie at ni Tolitz. Sige naman ako, kahit wala akong kamalaymalay kung ano ang gagawin namin doon. Basta ang alam ko, Fiesta doon at may exhibit si Tolitz. Hapon na ng dumating kami sa Pantabangan tumuloy kami sa isang bahay ng pulitiko.

Aba! napakatagal na naming nagkukuwentuhan sa labas wala yatang balak na patuluyin kami sa loob ng bahay. Buti nalang taga-doon si Tolitz kaya doon nalang kami tumuloy.

Dito ko rin nakilala si Prof. Cesar Baroman, Historian mula sa CLSU, na kahit Cebuano ay nag-interes na isulat ang kasaysayan ng Nueva Ecija.

Sa pakikipagkwentuhan pa lang ang laki na ng natutunan ko sa kanya at kay kuya Willie. Sa kanila rin marahil nagsimula ang hilig ko sa paglalakbay at pagpapahalaga sa kultura at kalikasan.

Kinabukasan, wala pa ring direksyon kung saan kami pupunta, manunuod ba ng Slalom ng Jeepney o pupunta sa Dilakay.

‘Aba! bundok 'yon, sige doon na lang ‘, kasabay ng ngiti na may pananabik.

Si Rose at si Tolitz, Ako at si Mavic, Si kuya Willie at si Marvin kasama ang isang residente ng Dilakay. Umakyat kami sa bundok, tumuloy sa isang maliit na kubo, nagpagabi, nagdasal, kumain, nagkuwentuhan, tumula at nag-awitan. Nakiramdam sa ibat-ibang huni ng sari-saring insekto at mga hayop, dinama sa kalagitnaan ng tahimik at madilim na gabi ang panandaliang takot, baka may dumating na baboy-ramo o may magpakitang multo.

Kinabukasan, umakyat ng bundok... nakakamangha, buhay na buhay, sagana sa tubig, ang daming puno.

Matatarik na bundok na habang inaakyat, kusang dumadausdos. Kasama ng kaba sa ibat-ibang huni ng mga hayop, sa paghawi sa matataas na damo upang gumawa ng madadaanan, na sa nililipad ng isipan ay bigla nalang bubulaga ang malalaking sawa at mabangis na hayop. Ang tangi nalang nagpapalakas ng loob sa akin ay ang maamong awitin ng mga ibon, lagaslas ng tubig at ang panibago at kakaibang karanasan na aking nasasaksihan

Sa bawat bahagi ng kabundukan, damang dama ko ang pagdadamayan. Paghahawakhawak ng kamay upang alalayan ang bawat isa.

Sa iisang iglap, nakakabigla nang muntik ng mahulog si Marvin sa matarik na bangin. Kaagad ko siyang hinabol at nag-abot ang aming kamay, kasabay sa pagkapit ko sa isang puno upang kapwa kami hindi mahulog. Dito ko nadama ang lakas ng loob at tapang na sa binit ng panganib ay may buhay na masasagip.

Pagdating sa tuktok, may maliit na kweba, pagpasok, may mga paniki, may isang napakalaking bato, paglabas sa kabilang bukana, punong-puno ng baging, akyat dito akyat doon, lambitin. Pakiramdam ko ako si Tarsan na kahit gaano kataas kaya kong akyatin ng walang pangangamba para lang makapagpalitrato at maipagmayabang sa iba. Wala kaming kamalay-malay na sa kabila ng kasabikan na magpapakuha, hindi pala naikabit ng maayos ang film ng kamera kaya lahat ng hirap sa pag-akyat at pagpapa-cute nawalan pa ng kabulahan.

Pero kahit na walang litrato na maipagmamalaki, dala ko pa rin ang kasiyahan at ang kahulagan sa ganitong paglalakbay na sa bawat galaw kung susuriin ay may ganap na matututunan lalong-lalo na sa pinaka-simpleng bagay lang.

Mga ilang oras pa, bumaba na kami, naligo sa ilog para mapawi ang pagkahapo. Bumalik sa kabayanan na punong-puno ng sigla at pagmamalaki.

Akala ko dito ko na natagpuan ang ang Sining pinahanga niya ako, pina-ibig, binigyan ng sagimsim sa paggawa ng tula. Pagkalao'y unti-unting naglaho, at namulat sa katotohanan.

Kailangan pa ng patuloy na paglalakbay at pagsasaliksik upang hanapin ang sining at ang tunay na kahulugan.



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC