Artist Club
SA AKING PAGTANDA...
(by Posted by: Sis Angel Makuyet  4/26/2010)

Sa Aking Pagtanda!...

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan at nakatapon ng sabaw sa hapag kaina, `wag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sisigawan mo ako. Kapag mahina na ang tenga ko at `di ko na maintindihan ang sinasabi mo, `wag mo naman sana akong sabihan ng binge! Pkiulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang. Pasensya ka na anak matanda na talaga ako. Kapag mahina na ang aking tuhod, pagtiyagaan mo sana akong tulungan tumayo, katulad ng pag-alalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka, basta pakinggan mo na lang sana ako. Huwag mo naman sana akong pagtatawanan at pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit at maghapon kang nangungulit hangga`t `di mo nakukuha ang gusto mo, pinagtitiyagaan ko ang kakulitan mo. Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy, amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo, mahina na ang katawan ko, madaling magkasakit kapag nalamigan. Huwag mo rin sana akong pandirihan. Natatandaan mo ba anak pinagtyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo. Pagpasensyahan mo sana kung madalas ako`y masungit, dala marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayn kahit sandali lang, inip na inip na ko s bahay, maghapong nag-iisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interasado sa kwento ko.

At kapag dumating ang sandali na ako`y nagkasakit at naratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay maihi o madumi sa higaan. Pagtyagaan mo na sana akong alagaan sa huling sandali ng aking buhay.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan. At `wag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na Lumikha, ibubulong ko sa Kanya na pagpalain ka sana . . . dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina!

KAYO, GAANO NYO KAMAHAL ANG INYONG MAGULANG? KAYA NYO RIN BANG GAWIN ITO SA KANILA??!



See more Literary
Samahang Makasining (Artist Club), Inc.
Artist Club of the Philippines
email: info@makasining.org

Copyright 2007 Samahang Makasining (Artist Club), Inc.

Powered by AACC